Masamang panahon, nagbabadya muli sa Luzon
Hindi pa man tuluyang nakaaahon ang ilang lugar sa Luzon mula sa matinding pag-ulan at pagbaha, may isa na namang namumuong masamang panahon – active low-pressure area – ang nagbabadya habang ito'y kumikilos papalapit sa Pilipinas ngayong Linggo, at maaaring magdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Bicol, Visayas at Mindanao. Inaasahan ang pag-ulan muli sa Metro Manila at sa mga katabi nitong probinsya sa darating na Miyerkules, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. "Nakapasok ito sa loob ng Philippine area of responsibility kahapon ng hapon. Dahil dito, inaasahan natin na sa loob ng 24 oras makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Bicol, Visayas at Mindanao," ani PAGASA forecaster Glaiza Escollar sa panayam ng dzBB radio. Ayon sa kanya, maaaring maging bagyo ang active low-pressure area (ALPA), na namataan 900 km sa silangan ng Central Luzon dakong alas-2 Linggo ng umaga, at maaaring maging ganap na bagyo sa darating na Lunes o Martes. Kapag naging bagyo ang ALPA sa loob ng bansa, tatawagin itong "Helen," na inaasahang magpapalakas muli sa hanging habagat. "Taya natin, Lunes o Martes lalakas ito at maging ganap na bagyo," ani Escollar. Aniya, magiging maayos pa rin ang panahon sa bansa hanggang Martes. "Sa Miyerkules, makararanas ng pag-ulan sa Metro Manila," dagdag niya. Batay sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA nitong Linggo, makararanas ang Bicol, Visayas at Mindanao ng maulap na papawirin na maykasamang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat. Makararanas naman ang ibang bahagi ng bansa ng katamtamang maulap hanggang sa maulap na papawirin sa may kasamang kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat, dagdag nito. Makararanas din ng katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa timog-kanluran ang pinakadulong bahagi ng hilagang Luzon at magiging banayad hanggang sa maalon ang karagatan. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News