ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo: Pagbubutihin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa panahon


Inihayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma nitong Martes na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa PAGASA upang mapabuti ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa panahon sa bansa. “As directed by the President yesterday, I will meet with Secretary [Mario] Montejo of [the Department of Science and Technology] this [afternoon]. We will discuss what to do to ensure that our weather advisory bulletins are easily understandable—madaling maintindihan at madaling matandaan para madali ring sundan ang gabay ng mga awtoridad,” ani Coloma sa isang text message na ipinadala sa media. “Gagawin ding mas madalas ang pag-anunsyo ng mga advisory sa pamamagitan ng PTV Telebisyon ng Bayan, PBS Radyong Bayan at President’s Facebook at Twitter accounts,” dagdag niya. Inihayag niya ito matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot sa pagbaha sa Metro Manila at sa ibang pang mga bahagi ng Luzon noong nakaraang linggo, na nakaapekto sa libo-libong mga pamilya. Nagkaroon din ng suspensyon ng pasok sa mga paaralan at opisina sa ilang mga apektadong lugar noong nakaraang linggo. Nitong buwan, sa gitna ng kritisismong natanggap ng gobyerno tungkol sa pagpapakalat ng impormasyon noong Bagyong Gener, nanawagan si Aquino na magkaroon ng "better communication" sa pagbabantay ng panahon. "Pag tiningnan mo, napaka-thorough nung nilalabas na bulletins ng PAGASA,” ani Aquino.   “Ang problema masyadong maraming impormasyon na hindi na ganoon ka-relevant—‘yung relative humidity, luminosity of the moon—‘yung mga ganoon,” dagdag niya. “E talagang kailangan bawasan natin ‘yung datos na mas magagamit at mas angkop sa tama ‘yon.”   Para naman sa kanilang bahagi, naglabas ng color-code ang PAGASA kaugnay ang warning system sa pag-ulan at pagbaha upang maipaalam sa mga tao kung anong gagawin sa oras ng kalamidad. - Amanda Fernandez/BM, GMA News

Tags: weather, pagasa