ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Bukol,’ nakita raw sa tagiliran ni ex-Pres. Arroyo


Bukod sa problema sa kanyang buto sa leeg, may nakita umanong bukol sa kaliwang rib cage ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Ito ang ibinalita ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez tungkol sa kalagayan ng kalusugan ng kanilang lider sa Lakas-Kampi-CMD na si Arroyo. “Mayroong lump sa kanyang kaliwang rib cage and she needs to seek second opinion abroad," pahayag sa media ni Suarez nitong Martes. Nitong Lunes, iniulat na maselan ang kalagayan ngayon ni Arroyo matapos mawala sa puwesto ang titanium plate na ikinabit sa kanyang buto. Ang naturang kondisyon ay maaaring umanong maging dahilan ng biglaang kamatayan ng dating pangulo. Ayon kay Suarez, nananatiling naka-“soft diet" si Arroyo bilang rekomendasyon na rin ng kanyang mga duktor. Takot daw ang dating pangulo na kumain ng “solid" food dahil sa pangamba nito na mabilaukan muli at baka maging dahilan ng kanyang kamatayan. Dahil dito, sinabi ni Suarez na muli silang mananawagan sa pamahalaan at kinauukulang ahensiya na pahintulutan si Arroyo na makapagpatingin sa ibang bansa. Bagaman pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa, hindi naman basta makalalabas ng bansa si Arroyo dahil sa ipinalabas na hold departure order (HDO) ng Sandiganbayan bunga ng kinakaharap niyang mga kaso. “When we’re talking of a life-and-death situation, all the leeway should be given to a person who is ill," ayon kay Suarez. - RP/FRJ, GMA News