Filtered By: Topstories
News

'Umepal' ba si PNoy at iba pang pulitiko na namigay ng relief goods?


Matapos ang trahedyang idinulot ng Habagat nitong nakaraang linggo, dumagsa ang mga tulong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan kasama na ang gobyerno. Pero ginagamit nga lang kaya ng ilang pulitiko ang pamamahagi ng relief goods para makilala at makapaghanda sa 2013 elections? Sa ulat ng “Unang Hirit" ng GMA News nitong Martes, nagkaroon ng mainit na talakayan ang kilalang political satirist na sina Mae Paner a.k.a. Juana Change at Secretary Ricky Carandang Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, tungkol sa ginawang pamamahagi ng relief goods ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III noong nakaraang linggo kasama ang ilan niyang kaalyado sa pulitika. Umi-epal nga lang ba sina Aquino at mga kasama niyang sina Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon, Technical Education and Skills Development Authority Director General Joel Villanueva, Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, at dating Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel? Sina Biazon, Villanueva, Angara at Baraquel ay nabanggit noon ni Aquino na nais niyang makasama sa senatorial slate ng partido nitong Liberal Party sa 2013 elections. (Basahin: Pagsama ng ilang pulitiko sa relief ops ni PNoy, pinuna)

Nagmamalasakit o nangangampanya? Litrato mula sa Malacañang. Composite ng GMA News
Ano ang ‘Epal’ Paliwanag ni Paner na kabilang sa mga pasimuno ng anti-epal movement, “epal" ang pulitiko kapag inilalagay niya ang kanyang mukha o umi-eksena sa mga programa at ipinamamahaging tulong gaya sa mga relief goods kahit hindi pa campaign period. Ang ganitong gawain ay pagpostura lang umano ng isang pulitiko para makilala o magpaalala sa publiko kahit hindi pa panahon ng kampanya. “Ang picture na ‘yan sa ayaw man nilang aminin o hindi ang itsura niyan ay pangangampanya… ang hitsura na kumakaway kayo na para bagang ang atensyon ay napupunta sa inyo, imbes na ang mga tinutulungan," paliwanag ni Paner. Ngunit para kay Carandang, hindi pangangampanya ngunit pagtulong sa kapwa ang ginagawa ng mga ito. “Ideya ng Palasyo na imbitahin sila na sumama sa atin para makita yung ginagawa natin… hindi naman nakakasama na nandun sila di ba? Nakakatulong naman sila so hindi naman dagdag na gastos ‘yon," ayon sa kalihim. Ngunit sagot ni Paner: “Hindi naman nila 'yon tulong e., trabaho nila yun. Isa yung paglilingkod sa tao." 'Di pa sure na kandidato Paliwanag naman ni Carandang, hindi pa naman siguradong tatakbo ang mga pulitikong sumama kay PNoy kaya hindi masasabing maagang pangangampanya nga ito. “Hindi pa naman nabubuo yung line-up ng LP [Liberal Party] Coalition so hindi tayo nakasisigurado na tatakbo talaga sila," katwiran ng opisyal. Ngunit nanindigan si Paner sa kanyang posisyon laban sa mga tinatawag niyang “epal" na pulitiko. “Matatalino ang taong-bayan, ‘wag niyo silang tatangahin. Kahit sabihin ninyong hindi kayo nangangampanya, ‘yan ang dating sa kanila," giit ni Paner. Pinuna rin niya ang tila pagiging defensive ng mga pulitiko tuwing pinupuna ng media at ng iba pang kritiko. Sinabi naman ni Carandang na bukas at handa silang tumanggap ng mga puna. “Bukas kami sa mga kritisismo, at sa totoo lang bilang demokrasya ay kailangan tayong makinig sa mga nagki-criticize sa atin. So, hindi po totoo yung hindi tayo nakikinig … open po kami sa opinyon ng iba," aniya. Sa huli, sinabi ni Carandang na ang taong bayan lamang ang makakapagpasiya kung maagang pangangampanya nga ba ang ginagawa ng mga pulitiko. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News
Tags: epal, aquino, relief