ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga opisyal ng pamahalaan, dapat daw magdahan-dahan sa binibitiwang salita


Dapat umanong maging maingat sa binibitiwang salita ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpapakita ng kawalan ng malasakit sa kapwa. Ang pahayag ay ginawa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, kaugnay sa sinabi ni Secretary Rogelio Singson ng Department of Public Works and Highways, na binigyan siya ng kautusan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na pasabugin ang mga instrukturang nagiging dahilan ng pagbaha. Ayon sa arsobispo hindi maganda ang naturang pahayag na pagpapasabog na mentalidad umano ng taong mahilig sa gulo. "Ako kung narinig ko ‘yang salitang ‘yan na pasabugin ang mga nakatira sa mga daluyan ng tubig sa mga estero, si PNoy man ang nagsabi niyan o kanyang mga alipores, aba ano ito? Ito ba’y galing sa giyera na nabuhay ng mayroong mentality ng giyera," pahayag ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes. Idinagdag ng arsobispo na kailangang linawin at ipaliwanag ng pamahalaan kung ano talaga ang plano sa mga maralitang nakatira sa mga ilog, estero, at kanal. Walang konsensya umano ang gobyerno kapag basta na lamang itinaboy ang mga maralita kung walang malinaw at makatotohanang solusyon sa problema ng kakulangan ng matinong programa sa pabahay. Paglilinaw ni Singson Samantala, nilinaw naman ni Singson na walang plano ang pamahalaan na pasabugin ang mga tahanan ng mga maralita na nakaharang sa daluyan ng mga tubig. “Parang napaka-bayolente ko na magpapasabog kami," pahayag ni Singson sa panayam ng Radyo Inquirer . Nagkamali lang umano ang pagkakasulat sa balita tungkol sa kanyang naging pahayag sa usapin ng pagsasaayos ng daluyan ng tubig-baha. “E alam mo na naman ang peryodista dadalhin ka kung saan ka dalhin," ayon sa kalihim. Nitong Lunes, sinabi ni Singson na inatasan siya ni Aquino na alisin ang mga sagabal sa daluyan ng tubig sa Metro Manila, Rizal, Laguna Lake at Pampanga delta. Sinabi ni Singson na ang pagpapasabog sa mga bahay ay tungkol sa mga instruktura sa Pampanga delta. “If you recall, last year doon sa ‘Pedring’ when we visited the Pampanga delta, ano, may mga nakita kami doon na mga malalaking structures within the water channel. So we have started removing and I just received instructions from the President that [if] push comes to shove we will have to blast yung mga kabahayan doon kung hindi pa sila aalis within a certain period," paliwanag ng opisyal. Ang naturang pahayag ang inulan ng kritisismo mula sa ilang sektor. “Is this the ‘tuwid na daan’ this administration is boasting about—haphazardly instructing the DPWH to blast homes to clear waterways? It is downright deplorable, insensitive, and anti-poor," ayon kay Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino. Sinuportahan naman ng Palasyo ang ginawang paglilinaw ni Singson. “I did hear...Secretary Singson on radio this morning and he was explaining that he made that statement in reference to the Pampanga delta floodings and how that was conducted in order to quicken ‘yung pagbaba ‘nung flood waters then," ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte. -- MP/FRJ, GMA News

Tags: flooding, ondoys