ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

8 barangay sa Muntinlupa City, lubog pa rin sa baha


Kahit bumubuti na ang lagay ng panahon nitong mga nakaraang mga araw, nananatiling lubog pa rin sa tubig-baha ang walong barangay sa Muntinlupa City kung saan patuloy pa rin na nagsisiksikan ang libu-libong evacuees sa mga evacuation center. Ito ay kinumpirma ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa City, ayon sa ulat ni Sam Nielsen sa dzBB. Matandaang isa ang Muntinlupa City sa Metro Manila sa mga matinding naapektuhan ng pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan dala ng hanging habagat noong nakaraang linggo. May 16,903 na mga indibidwal mula sa 4,086 na mga pamilya ang nananatili sa walong  evacuation centers na karaniwan ay nasa mga paaralan. Ayon kay Muntinlupa Information Officer Omar Acosta, tuloy pa rin ang klase sa mga paaralan mula pa noong Lunes kahit nasa mga eskuwelahan pa rin ang maraming mga evacuee. Ito ang sitwasyon sa kabila ng pagpapagamit sa halos kalahati sa 24 pampublikong paaralan ng lungsod bilang evacuation centers, ayon pa kay Acosta. Dagdagpa niya, ipinuwesto sa isang bahagi ng mga paaralan ang evacuees para naman makapagpatuloy ang mga klase ng mga estudyante. Nagpapatuloy din hanggang ngyaon – 2 beses kada araw – ang relief operations sa mga apektadong barangays. Kabilang sa mga barangay na lubog pa rin sa baha ay ang mga sumusunod:

- Tunasan - Poblacion - Putatan - Bayanan - Cupang - Buli - Sucat - Alabang
Isa sa nakitang dahilan sa hindi pa rin paghupa ng tubig-baha sa mga apektadong mga barangay ay ang kasalukuyang pag-apaw ng lawa ng Laguna. Nangangamba umano ang mga apektadong mga residente na posibleng aabutin pa ng dalawa hangang tatlong buwan bago tuluyang bumalik sa normal ang sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar. Maliban sa problema sa baha, kinatatakutan din umano ng mga evacuee at ng ibang mga residente ang posibleng pagtaas ng bilang ng mga magkakasakit ng dengue at leptospirosis. — LBG, GMA News