ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo sa hudikatura: Humanap kayo ng ibang source para sa special allowances


Kumuha na lamang ang hudikatura sa ibang bahagi ng pondo nila para pambigay allowance sa mga mahistrado, hukom, at iba pang kawani ng mga korte.
 
Ito ang payo ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa hudikatura sa kabila ng desisyon ng Department of Budget and Management na bawasan ang pondo ng hudikatura para sa mga "special allowances" ng mga mahistrado, hukom, at empleyado ng korte.
 
Dagdag ni Valte, mas mainam na makipag ugnayan na lamang ang hudikatura sa Budget department ukol sa tinanggal na pondo para sa allowances nila.
 
“From what I understand they have other funds kung saan pwede kunin ang special allowances," pahayag ni Valte sa isang panayam sa government-run na radio dzRB.
 
Babala naman ni Supreme Court Associate Justices Diosdado Peralta at Presbitero Velasco, labag daw ang pagtanggal ng pondo sa Republic Act 9227, na nagbibigay ng dagdag na allowance sa mga mahistrado at ibang miyembro ng hudikatura.
 
Ipinanukala ng DBM kay Pangulong Benigno Aquino III ang pagtanggal ng speciall allowances sa proposed P2.006 trilyong pondong nakasaad sa General Appropriations Act para sa 2013.
 
Samantala, iginiit ng hudikatura na may "fiscal autonomy" o kalayaan ito kaugnay sa pondo nito.
 
Ayon kay court administrator Midas Marquez, labag din sa isang memorandum sa pagitan ng DBM at ng president ng Philippine Judges Association ang planong pagtanggal ng pondo para sa special allowances sa hudikatura. — DVM, GMA News