ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tangke ng gasolina ng bumagsak na eroplano na-recover ng mangingisda sa Masbate


Narekober Sabado bandang alas-7 ng gabi ang tangke ng gasolina ng bumagsak na Piper Seneca plane na sinakyan ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at dalawa pa nitong kasama na ngayo'y pinaghahanap pa. Ayon sa ulat ng dzBB, nakita ng mga magningisda sa karagatan ng Masbate ang tanke ng eroplano.   Ang dalawang kasama ni Robredo na nawawala pa rin ay ang piloto na si Jessup Bahinting at ang Nepalese flight student na kinilalang si Kshitiz Chand. Ang aide-de-camp ni Robredo na si Police Senior Inspector Jhun Abrasado ay nakaligtas mula sa bumagsak na eroplano, ayon sa ulat. Samantala, sumasama naman sa ngayon si Abrasado sa mga rescuer na naghahanap kay Robredo, Bahinting at Chand. Sa report ni Tuesday Niu sa dzBB, napag-alaman na nakarating na sa Malacañang ang nasabing report ni Undersecretary Benito Ramos, hepe ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ang nasabing na-recover na tangke ng gasolina ay hawak na ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa Masbate City. Ayon din sa ulat, nasa crash site na sa Masbate si Pangulong Benigno Aquino III, kasama ang ilang mga miyembro ng kanyang Gabinete. Dumating sina Aquino sa Masbate sakay ng C-130 ng Philippine Air Force (PAF) bago mag alas-7 ng Linggo ng umaga. — LBG, GMA News