ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Daan-daang miyembro ng Ateneo community sa buong bansa sumuporta sa RH bill


Sa kabila ng pagtutol ng pangulo ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa panukalang Reproductive Health, bumubuhos pa rin ang suporta mula sa daan-daang mga miyembro ng mga komunidad ng pamantasan para sa RH bill. Naglabas kamakailan lamang ang mga tagasuporta ng House Bill 4244 (RH bill), ng petisyon na pinirmahan ng ilang mga mag-aaral, pakultad, tauhan, at alumni ng komunidad ng ADMU. Sa naturang petisyon, ipinahayag ng daan-daang miyembro ng mula ADMU, Ateneo School of Medicine and Public Health, Ateneo Law School, Ateneo High School, Ateneo Graduate School and Faculty, Ateneo de Naga University, Ateneo de Davao University, Xavier University - Ateneo de Cagayan, Ateneo de Zamboanga University, ang kanilang pagsuporta sa RH bill. Ngunit nilinaw nilang hindi nila kinakatawan ang kabuuang student body at administrasyon ng Ateneo. "We are students and individuals (faculty, staff, and alumni) from the different Ateneo universities who support the passage of the RH bill. However, we do not represent the whole Ateneo student body and our respective university administrations. We are supporting the RH bill in our own individual capacities." Nakasaad sa kanilang petisyon ang pagkabahala sa patuloy na pagtaas ng maternal deaths sa bansa dahil sa kakulangan ng maternal care sa Pilipinas at sa pagtaas ng bilang ng mga hindi planadong pagbubuntis ng mga kabataan sa bansa. Kinikilala rin umano nila ang karapatan ng bawat isa na makatanggap ng reproductive health assistance "through access to various birth control methods, maternal healthcare, education, etc." Iginiit din nilang hindi sinusuportahan ng RH bill ang abortion sa bansa taliwas sa paniniwala  ng Simbahang Katolika. Naniniwala sila na ang pagsulong ng responsible parenthood ay makatutulong para mabawasan ang kahirapan sa Pilipinas. 'Pagsuporta' ng Ateneo sa CBCP Matapos magbabala ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katolikong paaralan laban sa pagsuporta sa RH bill, naglabas ng memorandum nitong Lunes si ADMU President Fr. Jose Ramon Villarin, SJ, para himukin ang mga propesor ng unibersidad na pagnilayan ng mabuti ang kanilang pagsuporta sa RH bill. Mariin ding itinanggi ni Villarin ang pagsuporta ng Ateneo administration sa panukalang RH. "Together with our leaders in the Catholic Church, the Ateneo de Manila University does not support the passage of House Bill 4244 (The Responsible Parenthood, Reproductive Health and Population and Development Bill)," ayon kay Villarin sa isang pahayag na inilabas noong Lunes. "In connection with this, I call attention to the 192 members of our faculty who have grappled with the underlying issues in the context of Catholic social teaching, and who have spoken in their own voice in support of the bill," ayon sa kanya. Lubos na tinututulan ng Katolikong Simbahan ang RH bill, dahil sa probisyon nito na sumusuporta sa paggamit ng artificial contraceptives. Natural na family planning method lamang ang isinusulong ng Simbahan. Naglabas kamakailan ang CBCP ng babala sa mga Katolikong paaralan laban sa pagsuporta sa RH bill. Ayon kay CBCP president at Cebu archbishop Jose Palma sa isang artikulo sa CBCP news site, makatatanggap ng parusa ang mga Katolikong paaralan at institusyon na lalabag sa paniniwala ng Simbahan. Magkaibang pananaw Sa kanyang memorandum, inihayag ni Fr. Villarin na sa kabila ng iba't ibang pananaw patungkol sa pagpatutupad ng RH bill – kung ito nga ay maisabatas – kinakailangan pa ring ipagpatuloy ng mga guro na maykaugnayan sa "Christian formation" na ituro ang Katolikong pananaw sa kanilang mga mag-aaral. “As there is a spectrum of views on this ethical and public policy issue, I ask all those who are engaged in the Christian formation of our students to ensure that the Catholic position on this matter continues to be taught in our classes, as we have always done,” aniya. Nauna nang naghayag ng pagkabahala si Bishop Leonardo Medroso, miyembro ng CBCP Permanent Council, laban sa pagtuturo ng mga nasabing guro na labag sa opisyal na aral ng Simbahan. Ayon sa kanya, dapat imbestigahan ang mga propesor ng ADMU na naghayag ng kanilang pagsuporta sa kontrobersyal na panukala. "That has to be investigated! Ang first principle ng canon law about this matter [is] that we don't allow teaching that is against the official teachings of the Church. Now, if there is somebody or some na nagtuturo na salungat sa turo ng Simbahan, then they have to be investigated immediately... tapos ang management ng paaralan ay ini-indorso ito sa Obispo,” ayon sa isang pahayag ni Medroso.  — LBG, GMA News