ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Leni Robredo, ikinuwento ang ilang sandali bago ang trahedya ng asawa


Nagdadalamhati ngunit nananatiling matatag ang pamilya ni Interior Secretary Jesse Robredo na namatay sa plane crash sa Masbate noong Sabado. Sa isang press conference nitong Huwebes, inihayag ni Leonor "Leni" Robredo, asawa ng pumanaw na kalihim, na mahirap man, sinusubukan ng kanyang pamilya na tanggapin ang sinapit sa kanilang mahal sa buhay. "We are coping, syempre napakahirap. Masakit masyado mawalan ng asawa, masakit mawalan ng tatay, mawalan ng kapatid, pero kami kasi, alam naming ito ang ginusto ng Diyos. Wala naman kaming magagawa kundi tanggapin," aniya. "Si Jesse, all through his life, parati niyang sinasabi na kung anong nakatakdang mangyayari... when the accident happened, maluwag sa kalooban kong tanggapin, na iyon ang nakatakda para sa kanya... kaya palagay ko, 'yung pinakamaitutulong namin sa katahimikan niya ipakita sa kanya na matatag kami at kaya namin," dagdag niya. Sabik na makauwi Ayon sa mga naunang ulat, nagmamadali umanong umuwi si Robredo sa Naga City noong Sabado upang makadalo sa isang padiriwang para sa kanyang pinakabunsong anak na si Jillian. Iginiit naman ni Leni na hindi ito ang rason sa pagmamadali ng kalihim. Kwento niya, "Akala niya matatapos ang okasyon ng anak ko at 5 p.m. but at 2 p.m., I texted him na 'tapos na ang okasyon, wala ka nang maaabutan.' So he knew na wala na siyang maaabutan." Sa kabila nito, nais pa ring umuwi ni Robredo sa kanyang bahay. "I thought hindi na siya tutuloy. But then, one of his staff members told me na tutuloy pa rin siya," aniya. "'Yun kasi, it was not very unusual kasi tuwang-tuwa siya 'pag nasosorpresa niya kami," dagdag ni Leni. Ayon sa kanya, nagpadala uli siya ng text message sa kanyang asawa upang itanong kung matutuloy ang pag-uwi nito. "I texted him at about 3:15, sabi ko, 'Pa, tutuloy ka pala?' Tapos ang sagot niya sa akin: 'Yes, boarded na,'" kwento ni Leni. Ayon sa kanya, 4:15 ng hapon ang estimated arrival ng kanyang asawa sa paliparan sa Naga City. Bandang 3:40 ng hapon nang magtungo sa paliparan si Leni upang sunduin ang kanyang asawa, ngunit bago pa man siya makarating, nakatanggap siya ng text message mula kay Jesse kung saan ipinaalam sa kanya na kinailangang bumalik ng eroplano sa Cebu. Sabi ni Leni, "Just before I reached the airport, nag-text siya. Sabi niya, 'Balik ang plane sa Cebu.' So, I asked him kung bakit but he didn't answer me. Instead, he replied again, 'Balik ang plane sa Cebu.'" "I was waiting for his instructions if I have to wait for him at the airport or if I would go home na then just come back later. Hindi ko siya ma-contact, I was trying to call him up. I decided to go home, I texted him: 'Tawag ako ng tawag sa'yo, hindi ka sumasagot,'" kwento niya. "Sumagot naman si Jesse ng, 'Mahirap kasi ang signal,'" kwento ni Leni. Nagdesisyon si Leni na bumalik na lamang sa bahay at nang makauwi, sinubukan niya muling tawagan ang kanyang asawa. Bandang 4:40 p.m. na nang sagutin ni Jesse ang kanyang tawag, na mahinanong nagsalita. "It was 4:40 p.m. at sabi ko, imposible na 4:30 nangyari 'yung accident, unless ang time ng phone ko was advance. Pero 4:40 ang time log sa cell phone ko. I was finally able to contact him sa Smart number niya," aniya. "He answered, pero sabi niya sa akin, 'Mom, sandali lang, may inaasikaso ako, tawagan nalang kita,' in a very calm voice – it was as if I was calling him in the middle of a meeting," ayon sa kanya. Ayon sa kanya, hinayaan na lamang niya at hindi na tinawagan muli ang asawa sapagkat inakala niyang nakalapag na ng Cebu si Jesse. "I didn't call him again kasi I thought for a fact na nag-land sila safely sa Cebu and kaya siya busy kasi he was trying to find tickets in a commercial flight," aniya. Matapos ang 15 minuto, nakatanggap siya ng tawag mula sa security aide ng kanyang asawa sa Maynila. "His security aide in Manila called me up. Sabi niya, 'Ma'am, nakausap mo ba si sir?' Medyo nalito pa ako kasi I told him, 'Oo, 5 minutes ago.' pero apparentely it was 15-20 minutes na," ani Leni. Ayon sa kanya, sinabi ng security aide na: 'A few minutes ago, he (Robredo) called me up asking for help na i-clear daw ang Masbate airport kasi we are going to make an emergency landing.' In fact, I think the airport was cleared already for landing. Several officials were there. Pero may sightings daw of a plane na nag-crash sa dagat.'" Paghihintay Hindi pa man nakukumpirma kung ang eroplanong sinasakyan ng kanyang asawa ang bumagsak, masama na ang kutob ni Leni. "When I put my phone down, naisip ko na, baka siya na nga iyon," aniya. Agad niyang tinawag ang kanyang bunsong anak at inaya niyang magdasal kasama niya para sa kaligtasan ng kanyang ama. Dagdag niya, "She (youngest child Jilian) was already crying, when I decided to call up Aika [eldest child]. I told her what happened, so she left the [Ateneo vs FEU] game [sa Araneta], picked up her other sister and they went to church. Sinabihan ko na rin ang brother-in-law ko, at yung mga sister-in-law ko." Nais sanang pumuntang simbahan ang kanyang bunsong anak ngunit hindi na umnao si Leni makatayo ng maayos. "Feeling ko, nag-jelly ang aking legs," aniya. Matapos nito, isa isang nang nagsidatingan ang mga tao sa kanilang bahay "...ang dami nang tao sa bahay," aniya. "Everyone was hoping that he will be okay." "Pero after the first night, I knew that he was dying," sabi niya. 'Masaya na siya ngayon' Sa gitna ng dalamhati, lubos na nagpapasalamat ang pamilya ni Robredo sa mga natatanggap nilang pakikiramay at mga mabubuting salita na patuloy na bumubuhos mula sa iba't ibang tao. "'Yung ipinakita ng mga tao... it was beyond his imagination. He was always assured of the love of the people of Naga pero I think, what he was not prepared was, hindi lang pala ang mga taga-Naga 'yung nagmamahal sa kanya," ayon kay Leni. "Every time na nakikita namin sa news, 'yung mga article sa dyaryo, mga tribute about him, parang ang saya namin," aniya. Ayon sa kanya, "very hardworking, very passionate about sa kanyang trabaho" si Jesse. Sa kabila nito, may ilang pagkakataon umanong kinukwestiyon ng kanyang asawa ang sarili, sa pamumuno nito sa DILG. "Kapag umuuwi siya minsan, sinasabi niya, 'May patutunguhan kaya 'yung ginagawa ko?' Nagwo-wonder siya kung na-appreciate 'yung efforts niya," ani Leni. "Yung local [efforts] kasi, instant 'yung results. Hindi pa siya ata nasanay. Parang naiinip siya sa national level na hindi instant ang results kaya parati niyang tinatanong kung 'na-appreciate kaya ang ginagawa ko?'" dagdag ni Leni. Ayon sa kanya, masaya na siya ngayong nasagot ang katanungan ng kanyang asawa. "Kaya sabi ko, kasi kinakausap ko pa rin siya hanggang ngayon, 'Ayan, sinagot ka na,'" aniya. "Kaya parang hindi ko naman iniisip, siguro namang darating 'yung punto na mami-miss namin siya pero right now, tinatatagan namin ang loob namin. Mas gusto naming isipin na ang saya-saya na niya ngayon," dagdag niya. Pumanaw si Robredo at dalawang kasamang piloto matapos bumagsak ang sinasakyang Piper Seneca plane sa karagatan ng Masbate noong Sabado. Patungo na sana sa Naga ang eroplano mula sa Cebu nang maganap ang trahedya. Nagtungo ang kalihim sa Cebu para magsilbing kinatawan ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang pagtitipon. Tanging ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrasado ang nakaligtas sa trahedya. — LBG, GMA News