Ilang lugar sa Dagupan, lubog pa rin sa baha; 1 paaralan, halos 1 buwan ng walang pasok
Ilang barangay pa rin sa Dagupan, Pangasinan ang nananatiling lubog sa baha, at mayroon ding mga lugar na hindi pa rin nakokolekta ang mga basura. Sa purok Tres, barangay Lasip Chico, hanggang baywang pa rin ang tubig baha kaya nananatiling bangka o balsa pa rin ang pangunahing gamit bilang transportasyon ng mga residente. Dahil sa baha, mag-iisang buwan ng walang klase ang mga mag-aaral sa Juan Siapno Elementary school. Wala umanong madaanan ang mga bata kaya wala ring magawa ang mga guro kundi kalselahin ang klase. Ayon kay Ronel Salazar, principal ng paaralan, maaaring magsagawa sila ng mas mahahabang klase hanggang sa Sabado upang makahabol sa kanilang aralin. Bagaman wala namang napinsalang libro sa 15 silid aralan na nalubog sa tubig, nangangamba sila baka may masirang ibang gamit kung hindi pa rin mawawala ang baha. Inirereklamo naman ng mga residente sa apat na barangay sa Dagupan na hindi pa rin nahahakot ang mga basura sa kanilang lugar. Pero paliwanag ng Waste Management Division ng lungsod, bukod sa kakaunti ang kanilang trak ngayon dahil nasira ang iba, inuuna nilang puntahan at hakutin ang basura sa mga lugar na hindi na baha. – Gcalicdan/FRJ, GMA News