ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miriam: Banta ng CBCP vs Ateneo professors, paglabag sa academic freedom


Paglabag sa academic freedom ang umano'y banta ng liderato ng Simbahang Katoliko na paiimbestigahan ang mga propesor ng  Ateneo de Manila University na nagdeklara ng suporta sa Reproductive Health bill. Ito ang sinabi ni Senador Miriam Defensor-Santiago sa ulat ni Nimfa Ravelo sa DZBB, kung saan sinabi din ng mambabatas na labag din sa "freedom of conscience" ang ilang doktrina ng Simbahan. Nilinaw din ni Santiago na walang karapatan ang sinumang pari o obispo na mag-utos sa sinumang miyembro ng Simbahang Katoliko kung ano ang dapat sundin o hindi dapat suportahan ng mga mananampalataya dahil ang Santo Papa lamang umano ang maaring magdikta nito sa mga kasapi ng Simbahan. Nauna nang sinabi ni Bishop Leandro Medroso, permanent council member ng CBCP at chairman ng Episcopal Commission ng Cannon Law, na maaaring maimbestigahan at posibleng masipa sa trabaho ang Ateneo professors na nagsusulong umano ng konsepto ng RH bill na labag sa prinsipyo ng Simbahan. Sa ulat balita sa GMA News Oline, sinabi Medroso sa panayam sa Radyo Veritas noong Lunes (Agosto 20), labag sa mga aral ng simbahang Katoliko ang pro-RH bill stand ng ilang Ateneo professors. "That has to be investigated! Dapat talagang imbestigahan yan! Ang first principle ng canon law diyan about this matter is that we don't allow teaching that is against the official teachings of the Church. Now, if there is somebody or some na nagtuturo na salungat sa turo ng Simbahan, then they have to be investigated immediately, tapos ang management ng paaralan ay ini-endorso ito sa Obispo,” ayon kay Medroso sa nasabing panayam.  Ayon kay Santiago, wala namang isyung pang-relihiyon sa RH bill. Naglabas kamakailan lamang ang mga tagasuporta ng House Bill 4244 (RH bill), ng petisyon na pinirmahan ng ilang mga mag-aaral, pakultad, tauhan, at alumni ng komunidad ng ADMU. Sa naturang petisyon, ipinahayag ng daan-daang miyembro ng mula ADMU, Ateneo School of Medicine and Public Health, Ateneo Law School, Ateneo High School, Ateneo Graduate School and Faculty, Ateneo de Naga University, Ateneo de Davao University, Xavier University - Ateneo de Cagayan, Ateneo de Zamboanga University, ang kanilang pagsuporta sa RH bill. Ngunit nilinaw nilang hindi nila kinakatawan ang kabuuang student body at administrasyon ng Ateneo. — LBG, GMA News