Gov. Umali, nasakyan at kinakitaan ng aberya ang eroplanong ginamit ni Robredo
Isang linggo bago maganap ang pagbagsak ng Piper Seneca plane na nagresulta sa pagkamatay ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at dalawang piloto, ikinuwento ng isang gobernador na nasakyan din niya ang naturang eroplano at nagkaroon ito ng aberya. Sa isinagawang memorial service kay Robredo sa Malacanang nitong Biyernes, ikinuwento ni Oriental Mindoro Gov Alfonso “Boy" Umali, Jr., presidente ng League of Provinces of the Philippines (LPP), pinakiusap siya ng pumanaw na kalihim na humalili sa kanya sa isang pagtitipon sa Maasim, Leyte noong Agosto 10. Ang naturang Piper Seneca plane na pinalipad nina Capt. Jessup Bahinting, at co-pilot nitong Nepalese na si Kshitiz Chand ang nasakyan din umano ni Umali sa naturang biyahe. “Nagpunta po ako ay yun na nga after a week ako’y nagulat sa pagbagsak ng eroplano," ayon kay Umali, kasapi ng Liberal Party at malapit ding kaibigan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. "May nagkwento lang sa akin may naalala lang ako; kasi nung ako’y pumunta roon yun po (eroplano) ay inistart ng pilot, yung kaliwang makina, yung kaliwang propeller umandar at yung kanan propeller siguro mga five minute siyang hila nang hila," kuwento ng gobernador. “Hindi ko naman naitindihan… ayaw umandar until siguro five minutes. Hindi ko alam may relasyon pala yung pangyayari na iyon," dagdag pa ni Umali na hindi tinukoy kung sino ang piloto ng eroplano nang araw na iyon. “Yung mga kaibigan ko nga binibiro ako, sinasabi po nila, ‘buti na lang hindi ka kabaitan tulad ni Sec. Jesse kung hindi baka ikaw ang nakuha ni Lord," patuloy ng gobernador. Una rito, iniutos ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Manuel “Mar" Roxas II, sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak ng eroplanong sinakyan ni Robredo. Ang naturang eroplano ay bumagsak sa karagatang sakop ng Masbate nong Sabado, ilang minuto matapos lumipad mula sa paliparan ng Cebu kung saan dumalo sa isang pagtitipon si Robredo. Bulod kay Robredo, nasawi rin ang dalawang piloto na sina Bahinting at Chand. Nag-iisang nakaligtas ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrazado. Samantala, ikinuwento naman ng kaibigan ni Chad na si Misael Pardamean, na siya dapat ang kasama ni Bahinting sa naturang biyahe sa Cebu at Cessna plane ang dapat nilang gagamitin. Hindi umano alam ni Pardamean kung bakit nagbago ang isip ni Bahinting at si Chad ang isinama at ang Piper Seneca plane ang pinalipad.-- FRJ, GMA News