ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOH: Kaso ng malaria sa Pilipinas, bumaba


Bumaba ng 80 porsyento ang bilang ng mga kaso ng malaria sa buong bansa noong 2011 kumpara sa bilang ng mga magkasakit nito noong taong 2003. Ito ang ipinahayag ni Department of Health Secretary Enrique Ona araw ng Biyernes kung saan sinabi ng kalihim na posibleng magiging malaria-free na ang Pilipinas sa taong 2020. “This decrease is the lowest malaria level on record for the country in 42 years, with only 9,642 cases in 2011 as compared to 43,441 in 2003,” ayon kay Ona sa isang ulat na ipinalabas ng DOH sa website nito. Sinabi din ni Ona na sa 58 mga probinsiya na nakalista na "endemic" ang malaria, siyam nito ay umabot na sa "elimination status" kung saan wala nang naitalang kaso ng malaria sa loob ng tatlong taon, at kasalukuyang ginagawa ang iba't ibang antas ng evaluation. "Forty are on the way to elimination status, reporting less than one case per 1,000 population-at-risk, and 10 provinces have their cases under control," ayon sa kalihim.  Ang siyam na mga probinsiya na wala ng kaso ng malaria ay ang Abra, Batanes, Camarines Sur, Cavite, Dinagat, Laguna, Misamis Oriental, Quirino, at Romblon. Ayon din sa ulat ng DOH, dalawang probinsiya na lang (Palawan at Tawi-tawi) ang nakapag-report ng mahigit 1,000 malaraia cases bawat taon, at apat na probinsiya naman ang nakapagtala na may 100 hanggat 500 na mga kaso ng malaria naman kada taon. Ang mga ito ay ang Sulu, Maguindanao, Occidental Mindoro at Zambales. “Based on these data, the Philippines has a very high possibility of being declared malaria-free by 2020,” sabi pa ni Ona.  "To achieve this, the DOH met with all the provincial governors of the malaria-endemic provinces, 10 mayors of cities affected by malaria, health officials from the regional, provincial, and city health offices, international partners, and its main implementing partner Pilipinas Shell Foundation, Inc.," ayon sa ulat ng DOH.  Dagdag pa ng nasabing ulat na may commitment ang iba't ibang partners ng DOH sa tinatawag na "Biyaheng Kulambo," isang inisyatiba na nagsimbolo sa paglaban ng gobyerno sa sakit na malaria sa pamamagitan ng pagbiyahe sa bawat probinsiya, hanggat masugpo na ang malaria sa lahat ng mga probinsiya. "The mosquito net, also known as the Long-lasting Insecticide-treated Net, is the program’s main defense against the mosquito that brings malaria," ayon sa report.  “The journey towards elimination status is more difficult than working for a reduction in cases and we will need more commitments and resolutions of the different sectors to be consolidated into a singular, comprehensive initiative so that the whole country, not just the 58 endemic provinces, will be declared malaria-free by 2020,” ayon kay Ona sa DOH report.  Ang sakit na malaria ay dala ng "parasite" na tinatawag na "plasmodium" na nakukuha ng tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok (Infected Anopheles mosquitoes), mula sa buntis na ina papunta sa anak na nasa sinapupunan, at mula din sa mga pagsalin ng dugo (blood transfusion). — LBG, GMA News