ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Makina ng bumagsak na eroplanong sinakyan ni Robredo, natagpuan na


Natagpuan na ng mga diver ang makina ng eroplanong sinakyan ng nasawing si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na bumagsak sa karagatan ng Masbate noong Agosto 18. Sa nasabing eroplano na Piper Seneca ay sinakyan ni Robredo sa Cebu at patungo sana sa Naga City nang maganap ang trahedya. Bukod kay Robredo, nasawi rin ang dalawang piloto ng eroplano. Tanging ang aide-de-camp lamang ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrazado ang nakaligtas. Nakita umano ng mga technical diver at mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang naturang makina dakong 12:45 p.m. nitong Martes. Kasabay ito halos ng isinasagawang state funeral kay Robredo sa Naga City, ayon sa ulat ng radio dzBB. Natagpuan umano ang makina sa bahagi ng dagat na may lalim na 180 feet. Sa hiwalay na ulat ni John Consulta ng GMA 7, sinabing kinailangang gumamit ang mga diver ng trimix upang tumagal sa ilalim ng tubig. Nais umano ni PCG Bicol Commodore Joel Garcia na ma-retrieve ang makina ngayong araw, dagdag pa sa ulat. Pananatilihin naman ang kondisyon ng makina nang makita upang maibigay sa Civil Aviation Authority of the Philippines, na nagsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring trahedya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News