Bagong gawang dike sa Lingayen, Pangasinan, inirereklamo
Isang bagong gawang dike sa Lingayen, Pangasinan ang inirereklamo ng mga residente sa isang barangay dahil sa maling disenyo umano ng proyekto. Sa ulat ni Ronald Umagay sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing dalawang buwan pa lamang ang nakararaan mula nang itayo ang dike sa Brgy. Pangapisan North Lingayan. Inilagay umano ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa naturang rehiyon ang dike para maiwasan ang pagbaha sa lugar. Ngunit nitong mga nagdaang linggo kung saan nagkaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan, itinuturo ng mga residente na nakapagpalala ng baha sa barangay ang naturang dike. Bukod sa tila mali raw ang pagkakagawa ng dike na dahilan kaya hindi naging maayos ang daloy ng tubig sa ilog, may bahagi rin umano ng dike ang nasira kaagad. Nakarating na umano sa DPWH-Region II ang naturang problema ng dike. - FRJ, GMA News