Babaeng nagpasagasa sa tren ng LRT, nakilala na
Dalaga at walang trabaho ang 52-anyos na babae na nagpasagasa sa tren ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 sa EDSA station nitong umaga ng Huwebes. Sa ulat ng dzBB radio, kinilala ang nasawi na si Lucy Aroma, residente sa Maricaban, Pasay City. Wala umano itong trabaho at dalaga. Kinilala umano ng mga kaanak si Aroma sa pamamagitan ng kanyang birthmark sa braso. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tumalon si Aroma sa riles nang makita na ang paparating na tren dakong 6 a.m. nitong Huwebes. Inihayag naman ni LRT Authority spokesman Hernando Cabrera, na nakita sa footage ng kanilang closed-circuit television ang pagtalon ng babae sa riles ilang sandali makaraang dumaan sa harap niya ang isang security guard. Ayon kay Cabrera, ang nangyaring insidente nitong Huwebes ang ika-24 na kaso ng pagpapakamatay sa LRT mula nang mag-operate ito noong 1984. Sa 24 na suicide incidents, 10 sa kanila ang tuluyang namatay. (Basahin: Mga insidente ng pagpapatiwakal sa LRT1) Noong 2009, himalang galos lang sa katawan ang tinamo ng isang 41-anyos na ginang na tumalon din sa riles ng LRT sa Tayuman station sa Maynila nang makita rin ang paparating na tren. Ngunit hindi nasawi ang ginang dahil eksaktong sa pagitan siya ng riles nakapwesto kaya hindi siya nahagip ng tren. (Basahin: Ginang nagpasagasa sa tren ng LRT himalang nabuhay) Samantala, kahit lumilitaw na kaso ng pagpapakamatay ang nangyari kay Aroma, hindi na muna pinagtrabaho ang driver ng tren ng LRT na si Anthony Gunay, 35-anyos. Nahaharap din siya sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, ayon sa ulat ng radio dzBB. Tiniyak naman ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na tutulungan nila si Gunay sa kaso nito. Kailangan din umanong magpahinga muna ni Gunay dahil nagkaroon ito ng trauma. "He is not suspended sa work pero SOP na hindi muna siya pwede mag-operate ng train dahil sa trauma involved," paliwanag ni Cabrera. Idinagdag niya na SOP rin sa pulisya na magsampa ng kaso sa operator na nasasangkot sa mga katulad na insidente. - FRJ, GMA News