Ginang sa CDO, nasawi sa landslide dulot ng lindol
Isang ginang sa Cagayan de Oro ang iniulat na nasawi nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay nitong Biyernes ng gabi na idinulot umano ng paglindol na yumanig sa ilang bahagi ng Pilipinas. Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, kinilala ang nasawi na si Elenita Ubalde, 44-anyos, residente ng Upper Kolambong, Brgy Lapasan sa Cagayan de Oro. May lakas na intensity 3 ang lindol na naramdaman sa CDO na pinaniniwalaang nagpauga sa lupa na tumabon sa bahay ng biktima. Hindi na umabot ng buhay sa Capitol University Hospital si Elenita, habang nilalapatan naman ng lunas ang apo niyang si Andrian Rosales, 5-anyos. Idinagdag sa ulat ng NDRRMC, na limang bahay din sa Brgy. Tablon ang bahagyang nasira dahil naman sa naganap na flashflood. Napag-alaman naman kay Mayor Elorde ng Bunawan, Agusan del Sur , na isang bahay ang nasunog nang bumagsak ang isang gasera dahil sa paglindol. Sa ulat ng US Geological Survey (USGS), ang lindol ay may lakas na 7.6 magnitude at ang sentro ay nakita 139 kilometro silangan ng Sulangan, Samar. Kasunod ng paglindol dakong 8:45 p.m., naglabas si Phivolcs director Renato Solidum, ng Tsunami Alert Warning level 3 sa Samar, Southern Leyte, Surigao del Norte, at iba pang lalawigan na nakaharap sa Pacific Ocean. Inalis lamang ang naturang alerto dakong 12:20 a.m. nitong Sabado. Sa kabila nito, hindi na muna pinabalik ng mga lokal na opisyal ang mga inilikas na residente bilang bahagi na rin ng pag-iingat sa posibleng tsunami. Nitong Sabado na ng umaga nang pahintulutan ang mga residente sa baybaying dagat na nakaharap sa dagat Pasipiko na umuwi sa kanilang mga bahay. - FRJImenez, GMA News