ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pambato ng UNA sa 2013 senatorial race, halos kumpleto na


Isa na lang at kumpleto na ang 12-man senatorial slate ng United Nationalists Alliance o UNA nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Joseph Estrada, para sa darating na 2013 mid-term elections. Sa ulat ni GMA News reporter Sherrie Ann Torres sa State of the Nation ng GMA News TV nitong Biyernes, kinilala ang mga bubuo sa UNA senate slate na sina Sens. Francis Escudero, Loren Legarda at Gringo Honasan, San Juan Rep. JV Ejercito, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, at Cagayan Rep. Jack Enrile, dating Sens. Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon at Ernesto Maceda, Cebu Governor Gwen Garcia, at businessman na si Joey de Venecia. Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, secretary general ng UNA, ang ika-12 at huling slot ay ibibigay umano kay Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian. Kinakausap na umano ng UNA si Gatchalian kung itutuloy nito ang plano na tumakbong senador sa darating eleksiyon. Samantala, inihayag ng bagong talagang kalihim ng Interior and Local Government na si Mar Roxas, presidente ng Liberal Party, patuloy ang pagsala nila sa mga magiging pambato ng administrasyon sa senatorial race. May dalawang linggo umanong natigil ang pagtalakay ng partido sa kanilang mga magiging kandidato dahil sa pagtutok noon sa nangyaring trahedya sa namayapang si DILG Sec. Jesse Robredo. Gayunpaman, ilan sa mga lumutang na pangalan na bubuo sa senatorial slate ng LP – kasama ang ibang kaalyadong partido gaya ng Nacionalista Party at Nationalists Peoples Coalition (NPC) ay sina Deputy Speaker Lorenzo Tañada III, Customs chief Rufino Biazon, Akbayan Rep. Risa Hontiveros, social entrepreneur Paolo Benigno Aquino, TESDA director general Joel Villanueva at Aurora Rep. Juan Edgardo Angara. Kasama rin sina Sens. Koko Pimentel, Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV, dating Sen. Ramon Magsaysay, dating Las Piñas Rep. Cynthia Villa, at dating Surigao de Norte Rep. Robert Ace Barbers. - FRJimenez, GMA News