Papaano dapat itrato ng gobyerno si Umbra Kato ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters?
Karaniwang kriminal o rebeldeng may ipinaglalaban? Papaano nga ba dapat tratuhin ng pamahalaan si Ameril Umbra Kato, ang lider ng bagong tatag na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Kung ang political analyst na si Professor Clarita Carlos, presidente ng Center for Asia Pacific Studies Inc., ang tatanungin, dapat umanong tugisin si Umbra Kato gaya ng isang karaniwang kriminal. Paliwanag ni Carlos sa panayam ng dzBB radio, hindi na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) si Umbra Kato at may sarili na itong grupo. Kasalukuyang nakikipag-negosasyon ang MILF sa gobyerno para isulong ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao. "Tugisin na siya (Kato) bilang kriminal. Samsamin na ang mga armas ng kanyang mga tao," sabi ni Carlos, full-time professor sa University of the Philippines-Diliman. "Why can't we do that? Parang nakatali ang kamay natin," may pagtatakng pahayag ng propesor kung bakit hindi mahuli-huli ng mga awtoridad si Umbra Kato sa kabila ng ilang beses na pakikipag-engkwentro ng grupo nito sa militar. Matatandaan na muling lumutang ang pangalan ni Kato ng sabay-sabay na nilusob ng mga miyembro ng BIFF ang ilang mga bayan ng Maguindanao kung saan may mga sundalo at sibilyan na namatay. May mga miyembro rin ng BIFF ang namatay sa ilang araw na bakbakan sa Maguindanao kung saan libo-libong pamilya din ang nagsilikas mula sa kanilang mga bahay sa takot na maipit sa bakbakan ng mga sundalo at mga miyembro ng BIFF. Sinabi ng militar na si Umbra Kato ang nagtatag at tumatayong lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) matapos siyang umalis sa MILF. Ang BIFF ang sinasabing armadong grupo ng BIFM. "Tutal sinabi na ng MILF na iyang si Umbra Kato ay hindi na nila miyembro... renegade group na siya. Bakit hindi natin tugisin siya bilang kriminal," sabi ni Carlos. Dagdag pa niya, kapag tinugis na karaniwang kriminal si Kato ay hindi na kakailanganin ang militar sa operasyon laban dito. "Hindi mo na kailangan ang militar diyan. Ang kailangan mo ay PNP (Philippine National Police). Bakit hindi natin magawa iyon," sabi pa ni Carlos na lubhang dismayado sa patuloy na pag-ooperate ng grupo ni Kato. Kung tutuusin, maaari rin umanong umupa ng ibang grupo na puwedeng tumugis kay Kato. "Ang dami na namang bayaran ngayon, mga private contractors. And they are an international group; Israelis, Malaysians, South Africans. Ang dami diyang private contractors," dagdag pa niya. Sa tanong na kung "desperate move" ba ang paggamit ng mga misyunaryo laban kay Kato, sinabi ni Carlos na, "habang nandiyan si Umbra Kato, and more Umbra Katos, ay talagang walang mangyayari sa Mindanao." Sinabi ni Carlos na ang panalo lamang sa patuloy na kaguluhan sa Mindanao ay ang mga nagtitinda lamang ng mga armas. Para kay Carlos, mananatiling sagabal si Kato sa peace process para sa Mindanao hanggat hindi ito nahuhuli. "You have to have the political courage and the commitment to that (pagtugis kay Kato)," ayon sa propesor. Nauna rito, sinabi ng military na ang grupo ni Kato ay may kaugnayan na ngayon sa Jemaah Islamiyah (JI), isang international terrorists group. Si Umbra Kato ay itinuring mapanganib at kasama sa "most wanted" list sa Pilipinas na may mga kasong multiple murder, 15 counts na arson, siyam na kaso ng attempted murder at 26 na kaso ng frustrated murder at robbery. Naging prominente si Kato sa MILF nang pamunuan niya noon ang 105th Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF). Sinasabing karamihan sa mga miyembro ng BIFF ay mga dati rin niyang tauhan sa MILF. -- MM/FRJ, GMA News