ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Phivolcs: 'Wag maniwala sa mga text ukol sa susunod na lindol


Nanawagan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa publiko na huwag maniniwala sa mga kumakalat na text messages na nagbabala sa diumanoy susunod na mga lindol. Ayon kay Phivolcs head Renato Solidum Jr., bagaman maaaring maglabas ng mga babala ang ahensiya ukol sa mga posibleng pagkakaroon ng lindol, wala pa ring teknolohiyang naiimbento upang makaalam kung kailan at saan mangyayari ang isang lindol. "Wala pang sinumang bansa ang nakaka-predict ng lindol," giit ni Solidum sa isang panayam sa radio dzBB. Ayon pa kay Solidum, kahit hindi nito kayang hulaan ang susunod na lindol, maaari naman nitong maglabas ng mga tsunami alerts na dulot ng malalakas na lindol sa karagatan. Pinayuhan din ni Solidum ang mga tao na manatiling alerto sa mga posibleng epekto ng paglindol. "Importante sa natural events ang kahandaan ng tao, na nakasalalay na rin sa sarili," sabi ni Solidum Ayon pa sa opisyal ng Phivolcs, mahigit na sa 100 aftershocks ang naitala matapos ang magnitude-7.6 na lindol sa silangang Visayas noong Biyernes. — LBG, GMA News