ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rep. Gonzales: Posibleng maantala ang pag-upo ni Rep Abaya sa DOTC


Posible umanong maantala ang pag-upo ni Cavite Rep. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya bilang bagong kalihim ng Department of Transportation and Communications hanggang 'di pa naisalang sa third and final reading ang 2013 National Budget. Ito ang sinabi ni House of Representatives Majority Floorleader Nepatali Gonzales Jr., sa panayam sa dzBB Linggo ng umaga. Si Abaya ang itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III na kapalit ni Secretary Manuel Roxas II sa DOTC, dahil si Roxas ang papalit sa namayapang si Jesse Robredo sa Department of Interior and Local Government (DILG). Itinalaga ni Aquino ang dalawa sa kanilang bagong mga puwesto noong Huwebes. Parehong kapartido ni Aquino sa Liberal Party sina Roxas at Abaya. Si Roxas ang pangulo ng LP. Ang yumaong si Robredo ay ang dating executive vice president, samantalang si Abaya naman ang secretary-general ng partido. Ayon kay Gonzales, ipagpapatuloy pa umano ni Abaya ang pag-upo bilang chairman ng Committee on Appropriations. Sinabi ni Gonzales na nang makausap niya si Abaya, sinabi ng last-termer na kongresista ng Cavite na puwede naman umanomg ma-delay ang pag-upo niya sa DOTC. "Kasi ang budget (deliberation) will start next week and then he can delay it up to the time na mag-third reading kami, which is about October 15," sabi pa ni Gonzales. Halos patapos na ang pagtalakay ng Kamara sa proposed P2-Trillion General Appropriations Act (GAA) na ipanukala ng Malacañang. "Napakahirap naman na kung kailan ide-deliberate iyan sa plenary ay saka ka magpapalit ng chairman," dagdag pa ni Gonzales. Samatantala, sinabi rin ni Gonzales na kapag lilipat na si Abaya sa DOTC, posible umanong si Negros Oriental 1st district Representative Jocelyn Limkaichong ang papalit kay Abaya bilang acting chairman, o di kaya'y pipili sila ng bagong pangulo ng nasabing komite. Si Limkaichong ay isa ding last-termer na nauna nang napaulat na tatakbong gobernador sa Negros Oriental sa eleksiyon sa 2013. Kasapi rin ng LP ang kongresista. — LBG, GMA News