2 bata nawawala nang lumubog ang sinasakyang bangka sa NCotabato
Kasalukuyang pinaghahanap pa ang dalawang elementary pupils matapos lumubog ang sinasakyan maliit na bangka sa Pulangi River, Tamped, Kabacan, North Cotabato, dakong alas-7 ng umaga nitong Miyerkules. Ayon sa inisyal na report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sakay sa bangka ang ilang mga estudyante na lalahok sana sa isang Math Olympics. Hindi nabanggit sa ulat kung ilang estudyante lahat ang lulan ng bangka, at kung saan sila pupunta at kung sino ang kanilang kasama. Nagpadala na ng rescue team ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) para sa patuloy na isinasagawang search and rescue operations para sa dalawa. Nasa lugar na rin ang North Cotabato Emergency response Team (NCERT) para tumulong sa operasyon. — LBG, GMA News