Filtered By: Topstories
News

Probisyon ukol sa abortion, tinanggal sa bersyon ng Senado ng RH Bill


Sa pagsisikap na makakuha ng suporta ang reproductive health (RH) bill, inihayag ni Sen. Pia Cayetano noong Miyerkules na tanggalin nalang ang ilang kontrobersyal na probisyon sa bersyon ng Senado sa panukala, kabilang ang pagtatanggal sa seksyon sa pagbibigay ng health care sa mga kababaihang nagpa-abort. "[This will] put the issue to rest and allay fears that the RH bill will promote abortion," ani Cayetano. Nais ni Cayetano na tanggalin ang tatlong seksyon ng panukala, kung saan nakasaad na: "While this Act does not amend the penal law on abortion, the government shall ensure that all women needing care for post-abortion complications shall be treated and counseled in a humane, non-judgmental and compassionate manner." Sa halip, ilalagay sa bagong seksyon na, "abortion is a criminal act in accordance with existing laws." Magkakaroon din ng panibagong seksyon, kung saan nakasaad ang pangungusap na ito: "All complications arising from pregnancy, labor, and delivery shall be treated in a humane and compassionate manner." Sa plenary session noong Miyerkules, sinimulan ni Cayetano ang committee amendments sa Senate Bill 2865, na kilala rin bilang Reproductive Health Act of 2012. Isa rin sa mga pangunahing pagbabagong nais ni Cayetano ay ang pagpapalit sa pangalan ng panukala mula sa "An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health and Population and Development" tungo sa "An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health and Responsible Parenthood." Nauna nang inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na sinusuportahan niya ang "responsible parenthood." Nais din ni Cayetano, namumuno sa Senate committee on health, na tanggalan ang pangalan ng section 9 ng panukala na tumutukoy sa family planning supplies bilang "essential medicines." Ayon sa kanya, dapat gawing "The Philippine National Drug Formulary System and Family Planning supplies" ang pangalan. Sa ilalim ng seksyon, nais niyang isama ang sumusunod: "The Philippine National Drug Formulary System (PNDFS) shall be observed in selecting drugs including family planning supplies that will be included or removed from the essential drugs list in accordance with existing practice. Turno En Contra Inihayag ni Cayetano ang mga nais niyang amendments matapos magsalita si Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III sa ikatlo at huling bahagi ng kanyang Turno En Contra, kung saan pinuna niya ang probisyon ng SB 2865 na binabanggit ang abortion. Sa kanyang talumpati, inihayag ni Sotto ang kanyang pagkabahala sa posibleng pag-aabuso ng ilang mga indibidwal na nais samatalahin ang probisyon. "Kayang-kaya na nilang magsagawa ng aborsyon nang lantaran, basta maging kasabwat nila ang pasyente na kunwari ay inaagapan lang ang komplikasyon, pero ang totoo ay nagpapalaglag," aniya.   "Hindi sa madumi ang isip ko, pero bakit kaya pinasukan ng probisyon sa aborsyon ang bill na ito?" dagdag niya. Maliban nito, pinuna rin niya ang seksyong tumutukoy sa mga contraceptive bilang "essential" na gamot. "Kung isasama pa natin ang mga condoms, IUDs, at iba pang uri ng contraceptives sa klasipikasyon ng pangunahing gamot, tiyak na makikihati pa ito sa kakarampot na ngang pondong nakalaan para sa mga pangunahing sakit sa bansa tulad ng heart diseases, cancer, tuberculosis at respiratory ailments," aniya. "Kapag nangyari ito, lalabas na mas binibigyan pa natin ng importansya ang pagpigil sa buhay kaysa sa pagligtas nito," dagdag niya. Ayon kay Sotto, "anti-poor" umano ang panukala at hindi rin umano overpopulated ang Pilipinas. "Kontra-mahirap ang bill na ito dahil hinahangad nitong bawasan ang bilang ng mga anak ng mahihirap na pamilya para lutasin ang problema sa kahirapan," aniya. Ayon kay Sotto, sang-ayon siya sa probisyong nagbibigay ng health care na serbisyo sa publiko, ngunit mayroon na umanong mga nakatalagang batas at programa na nagbibigay ng serbisyong ito. Ayon sa kanya, mayroon nang Republic Act 9710 o ang Magna Carta for Women, RA 9262 (Anti-Violence against Women and Children), RA 8504 (Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998), RA 7883 (Barangay Health Workers Benefits and Incentives Acts of 1995), at RA 7875 (National Health Insurance Act of 1995), na nagbibigay ng health care na serbisyo. Dagdag niya, mayroon nang P8 bliyon sa national budget ang nakatakda para sa mga reproductive health program. "Kung may ganito na tayo karami, ganito kalawak, at ganito katatatag na mga batas at programa, at kung sa kasalukuyan ay mayroon na tayong bilyon-bilyong pisong ginagastos para tugunan ang suliranin sa reproductive health ng bansa, bakit kailangan pa nating magsa-batas ng RH bill?" aniya. Cayetano vs Sotto, Enrile Matapos ang talumpati ni Sotto, inihayag niyang magsasagawa ng interpellation si Senate President Juan Ponce Enrile. Hinarang ni Cayetano at nagsabing: "I know for a fact that the majority floor leader and our Senate president are both anti-RH so I would like to ask, what is the objective of the two of them debating?" Sagot ni Sotto, "unethical" umano para kay Cayetano ang "mag-impute ng motive" sa sasabihin ng mga miyembro ng Senado sa floor. Hindi rin ikinatuwa ni Enrile ang pahayag ni Cayetano. Ayon sa kanya, mula noong nahirang siya sa Senado, hindi pa siya inatasang ihayag ang kanyang layunin para sa kanyang interpellation. "With due respect to the lady senator, I know she’s eager to pass this law but I have my own notion of what the national interest is. Nobody has a monopoly of wisdom about the national interest," aniya.   "Until today, I never used any dilatory tactics or any manner of delaying the passage of any bill [so] I resent any implication that I'm here to derail or obstruct the passage of this measure," dagdag niya. Paliwanag ng Senate president, nais lamang niyang itanong kay Sotto ang karanasan ng ibang mga bansa tungkol sa reproductive health. "Isn't that a pertinent question here to be asked, so that we will know the impact of this bill on the lives of the people of this country? I have a right as anyone else to protect them," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News