Ex-DILG Usec. Rico Puno, biktima nga ba ng pulitika?
Alam umano ni dating Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno na gawa-gawa lang at imbento ang mga alegasyon na may personal siyang motibo sa pagpunta niya sa condominium unit ng namayapang si DILG Sec. Jesse Robredo kaya pinili muna niyang manahimik. Sa eksklusibong panayam ni Jessica Soho kamakailan sa GMA News TV’s State of the Nation (SONA) with Jessica Soho, sinabi ni Puno na mas masarap ang tulog niya kaysa mga taong nag-iisip sa kanya ng masama. Narito ang kanilang talakayan: Jessica: Binasag na ngayon ni DILG Undersecretary Rico Puno ang kanyang pananahimik. Kasabay ng kanyang pagbitiw sa pwesto ngayong araw, ang paglilinaw niya sa mga kontrobersiyang idinadawit sa kanya. Katulad ng pagpunta niya sa opisina at condominium unit ni Sec. Jesse Robredo, noong hindi pa nakukumpirma na ito’y pumanaw sa plane crash sa Masbate. At tungkol sa jueteng at sa pagbili ng baril para sa PNP. Narito po ang aking eksklusibong panayam sa kanya. Jessica: Una po sa lahat, help us make sense of what happened by airing your side. Kasi ngayon lang kayo humarap sa media, ngayon lang kayo haharap sa madla. Ano po ba talaga ang nangyari? Kasi we know for a fact na pumunta kayo sa opisina ni Sec. Robredo, pumunta kayo sa kanyang condominium unit. Later on sinabi ni Presidente Aquino in Russia sa APEC Summit na those were upon his instructions. Pero hindi yung pagpunta niyo sa condominium unit ni Sec. Robredo. Bakit kayo pumunta doon? Puno: Very specific yung order sa akin ni Presidente. I-secure mo yung mga offices. Kailangan walang mga dokumentong lalabas, makokopya or masisira. Jessica: Bakit nga ho kayo nagpunta sa condominium, e office lang ang instruction sa inyo? Puno: Merong sinabi sa akin, na meron ding mga dokumento doon. Kaya kami nagpunta doon, prudence dictates na kasama yun… na sinabi ng Presidente, may mga dokumento, pati yun i-secure mo. Jessica: Sinabi niya na pupunta rin kayo sa condo…? Puno: Hindi siya. Hindi niya sinabi na pumunta ako. But the documents are there in the condominium. So, sinabi ko lang na punta tayo dun sa condominium. I-secure natin yung condominium unit at hindi naman ako pumasok dun e. Si Col. Tanseco lang ang pumasok. Jessica: So klaro that those documents pertained to investigations… conducted. Puno: I do not know. I do not know if they were. But those are documents that to be signed by the Secretary or certain documents na hindi ko alam kung anong laman nun. Jessica: Okay. Ang suspicion po ngayon at speculation, kaya kayo nagpunta doon e dahil meron kayong mga dokumento na gusto niyong i-safe keep because those documents pertained to investigations being conducted by Sec. Robredo against you. Puno: Wala akong alam na imbestigasyon (na) ginagawa sa akin. At wala rin naman akong alam na mga yung mga dokumento na about any investigation. Maski na kaninong tao, hindi ko ho alam yun. Jessica: Deretsahan. Iniimbestigahan ho ba kayo ni Sec. Robredo in relation to jueteng and the alleged over-pricing of guns for the PNP? Puno: Hindi ko alam kung merong imbestigasyon sa akin. Yung mga reports about the firearms, I give him regular reports. Kasi noon pa, sinabi ko sa kanya, inako ko na lahat yung bidding process natin dito. Kung merong magkakamali dyan, ako lahat ang may kasalanan. Kung sa jueteng, e hindi ko alam talaga yun. Wala akong alam dyan. Jessica: Tapatan ho. Kasi na-raise na rin po sa inyo itong jueteng in the past e. Allegedly kayo ay pumoprotekta sa mga jueteng lords, kayo ay involve sa pangongolekta ng jueteng money, etc. Meron na ho ba kayong involvement sa jueteng, involve ho ba kayo sa jueteng? Puno: Wala. Wala ho kaming… Wala kong kinalaman diyan. Wala ho akong hinihingi. Wala rin akong pinoprotektahang tao. At wala rin akong kakilala na nagpapa-jueteng. Jessica: How about sa pagbili raw po ng mga baril na allegedly over-priced. But Presidente daw po mismo nakadiskubre by googling in the internet? Na over-priced yung binibiling baril ng PNP. Puno: Alam niyo po, yung mga kwan na ‘yan, isa yan dun sa mga inutos sa akin ni Presidente. Kaya yun ang binantayan namin. Yung Bids & Awards Committee, I sit there as an observer. And I observe. Andun lahat, kumpleto po. Jessica: Kasama kayo dun sa nag-imbestiga? So you’re saying na it’s not true na kasama kayo dun sa mga dapat pagdudahan sa over-pricing ng mga baril. Kasi that’s how speculations are going now. Puno: Hindi ko nga maintindihan e. Ano bang over-pricing na sinasabi? Lahat ng mga tao even the dealers, international dealers are telling me that you got the best price for that. So hindi ko malaman kung ano yung sinasabi na over-priced. The initial bid was nandoon yata yung binibili in the past was about one-hundred twenty thousand (P120,000) per rifle. Then bumaba daw ng one-hundred fifteen (P115,000). And when we opened the bid for this, when we were the ones supervising already, it was eighty-nine thousand nine hundred (P89,900). Jessica: You’re saying Undersecretary na everything dito sa mga baril na to is above board… Puno: Yes. Jessica: And hindi kayo involved sa pag-over priced nitong mga to? Kasi ganunyung pinatutunguhan ngayon ng mga usap-usap. Puno: Wala. Hindi ho. Unang-una po hindi po over-priced. Jessica: Binabasahan din po ng malisya yung pagpunta niyo sa Israel. Puno: Yung pagpunta ko ho sa Israel e kwan ho yun, bakasyon po ng aking pamilya. Kasama ko po dun ang dalawang anak ko, ang asawa ko at tsaka apat na mga pamangkin. Jessica: Walang kinalaman dito sa mga baril na ‘to, kasi ‘pag mga armas Israel ‘yan e. Puno: Wala nga. Ang gusto ko lang sanang puntahan dun e tingnan ko lang ang Tel Aviv, mag-tour sa Jerusalem at maligo dun sa Dead Sea. Natutuwa lang kasi ako pagka-lulutang ka dun sa Dead Sea e. Jessica: Sa lahat po ng ito, bakit ho kayo ang target ng duda, suspetsa, ispekulasyon? Sa palagay ho ninyo, sa theory ninyo, saan nanggaling itong lahat ng ito? Puno: Yung aming relasyon ng the former secretary, Sec. Robredo, e nag-umpisa doon sa akala nila merong divisiveness. Dahil sinabi ako daw ang nasa police then. Jessica: So you were okay with Sec. Robredo? Kasi… Puno: Lahat po ng mga kwan namin. Jessica: …Kasi nagkaroon ho yata kayo ng hidwaan noong hostage crisis sa Quirino Grandstand? Puno: Noong una kasi, parehas kaming bago noon. E hindi pa namin… hindi pa masyadong malinaw yung aming responsibilidad. Sino ba talaga dito? Papano natin aanuhin yun. Kaya nun, nag-uusap kami. Jessica: So kung okay ho kayo, bakit lumabas lahat ng ito ngayon? Lahat nung pagsuspetsa nga ho sa inyo? Puno: Yun ang hindi ko lang ho maintindihan. Kung bakit may gustong manira sa akin at gawan ako ng napakaraming istorya. Jessica: Balay Group ho ba itong pinagsususpetsahan ninyo na nasa likod nitong mga ispekulasyon at pagdududa sa inyo? Puno: Alam niyo po hindi ako pulitikong tao e. Hindi ako nagsususpetsa maski na kanino. Kung siguro pulitikong tao ako, e meron akong dapat protektahan… I’m just a volunteer here that was assigned a task, to do this job. Jessica: Si Sec. Mar Roxas upon his appointment said immediately na dapat lahat ng posisyon sa DILG should be considered vacant. Apparently, ang reading ho ng ibang tao dun, that particularly pertained to you. Puno: That’s why I resigned. Kaya nga binigay ko na dun. Susunod din tayo sa Presidente. E hanggat hindi niya sinasabi sa akin na umalis at ako naman ay nag-ooffer naman talaga, na sabi ko para lang makatulong ako. Jessica: Ngayon araw na ito kayo nagresign. Pero, according to information that I received, matagal na raw ho pala kayong on the way out even before Sec. Robredo died in that plane crash in Masbate? Totoo ho ba ‘yon? Puno: Yes. Oo. Kasi natapos ko na yung mga pinagagawa sa akin ni Presidente. Actually, ito sa atin lang. Ngayon ko lang ho sasabihin... Kasi ho kami ni Sec. Robredo ay magkasama kami nung August 18 sa Cebu. At habang nandun kami sa stage, at meron na mga tao, kaming dalawa ang guest speaker doon, at nang, nagbubulungan kaming dalawa. Sabi ko nga sa kanya, boss nabili na natin yung mga baril. Okay na yung PNP. E tapos na po ang trabaho ko kay Presidente. Jessica: Anong sabi ho sa inyo ni Sec. Robredo? Puno: ‘(‘To) Talaga, ‘wag kang ganyan.’ Hindi boss, yun na talaga ang kwan ko, sabi niya. ‘Okay,’ sabi niyang ganyan. But actually naka-prepare na nga nun before that e. Jessica: Kung hindi kayo taga-Balay o Maka-Balay Group, Samar group po ba kayo? Puno: Hindi pa. Tinatanong na niya sa akin nun e. Ako po’y si, sa Times po ako e. Jessica: Time, taga-Times St. kayo? Ibig sabihin… Puno: Kami’y taga-Tarlac din. Jessica: Wala kayo dun sa dalawang nag-uumpugang pwersa sa gobyerno? Puno: Oo, kasi hindi… Jessica:Pero ‘pag sinabi niyong taga-Times St. kayo, mukhang close kayo ni Presidente? How far back po ba kayo nagkakilala? Paano ho kayo naging magkaibigan? Totoo po ba na kayo’y kasama dun sa kabarilan? Puno: Kami ho magmula pa nung panahon po ni Pres. Aquino, ni Tita Cory, nung tumakbo siya sa Kongreso, nangampanya po kami para sa kanya. At kasama niya akong nangangampanya dun sa mga baryo baryo dun. Nung tumakbo ng pagka-senador e sabi niya sama ka na rin sa akin. Kami-kami lang din naman ang magkakasama hanggang sa tumakbo siya sa pagka-Presidente. Jessica: Nakakangiti pa rin kayo despite you know, the negative publicity and all these doubts at pagbatikos sa inyo the past days. Puno: Alam niyo, parang kwan ‘yan e. Pag alam mo yung talagang istorya, alam mong gawa-gawa lang nila ‘yan, at nag-iimbento lang sila, e talagang tatawanan mo lang. Dahil ako, alam ko kung ano yung totoo e. Sinabi na ni-raid yung bahay e hindi nga kami pumasok. Nakita nila na, sinasabi nila na pinuwersa namin or ni-ransack namin e nung kinunan namin ang litrato yung mga kwan at pinuntahan ni Sec. De Lima na wala namang nawawala. Masarap ang tulog ko kesa sa kanila e. Dahil sila, iba yung iniisip nila. Ako, wala naman akong masamang iniisip. So ngayon, nilabas ni Presidente na siya ang nagpa-utos. O eh di ngayon sasabihin ko, oo, ako nga nagpunta doon at ginawa ko yung utos ng Presidente at sinunod ko ang kanyang utos. Jessica: How true that you will take a bullet for the President? Ganun daw kalalim… Puno: Anytime. Jessica: Ganun kalalim po ang pagkaka-ibigan niyo? Puno: Anytime. Sabi ko sa kanya. Jessica: So kayo ang ka-barilan who will take the bullet for him? Puno: Anytime yun. Jessica: Totoo ho bang i-aappoint pa kayo sa ibang government position? Puno: Nasa Presidente po yun. At ako naman e, alam mo naman tayo volunteer lang tayo, sundalo tayo na sumusunod lang sa utos. Sa ngayon po, nag-umpisa na yung aking bakasyon. Jessica: May imbitasyon ho sa inyong pumunta sa Senado. Puno: Nakabakasyon na ako e. At hindi ko alam kung san napadala yung imbitasyon e. Jessica: So, hindi kayo pupunta? Puno: Hindi ko pa nakikita yung imbitasyon. Jessica: Okay. Maraming salamat DILG Undersecretary Rico Puno. Magandang gabi po sa inyo. -Kathleen Laspoña/FRJ, GMA News