Malunggay bilang pambansang gulay ng Pilipinas, iminungkahi sa Kamara
Kung ang pambasang prutas ay mangga, at anahaw naman ang pambansang dahon, ano naman ang dapat na maging pambansang gulay ng Pilipinas? Sa House Bill No. 646 na iniakda ni Pangasinan Rep. Gina de Venecia, iminungkahi niyang ideklarang pambansang gulay ng Pilipinas ang tinaguriang “miracle vegetable" na Moringa Oliefera o mas kilala bilang Malunggay. “From the roots and branches to the leaves, flowers, fruit and seeds, all parts of the malunggay tree are of nutritive and medicinal value," paliwanag ni de Venecia sa kanyang panukala. Nakapaloob din sa HB 646 na ideklarang National Malunggay Month ang buwan ng Nobyembre para sa pagpapalaganap ng impormasyon sa mabuting dulot ng nabanggit na gulay na tinatawag din umanong “nature’s medicine cabinet." Bukod sa masustansiya at puno ng bitamina, kaya umanong lunasan ng malunggay ang iba’t ibang sakit tulad ng diabetes, hypertension, inflammations, infections, cancer at aging. Ang dahon pa lang ng malunggay siksik na umano sa nutritional value: pitong beses na mas mataas sa vitamin C kaysa sa orange, apat na beses na mas puno ng calcium kaysa gatas, apat na beses ng vitamin A kaysa carrot, doble ang protina kaysa gatas at tatlong ulit ang dami ng potassium kaysa sa saging. “Malunggay contains more than 90 nutrients and 46 types of antioxidants. It has 18 amino acids, plenty of omega 3 oils and chlorophyll, plus 45 compounds with antioxidant properties and 36 anti-inflammatory properties," dagdag ng kongresista. - RP/FRJ, GMA News