Ang marangal na pagharap sa usapin ng plagiarism
Naging paksa sa mga umpukan kamakailan ang usapin ng pangongopya o plagiarism. Paliwanag ng isang dean sa isang kilalang unibersidad sa bansa, "nababahala kami sa magiging epekto nito sa kabataan. Dahil para bang role modeling iyan, ipinapakita ng isang nakatataas na ayos lang na humiram at hindi aminin na hiram iyon." Ayon sa kanya, may marangal na paraan kung papaano ito malulusutan kapag nasangkot sa ganitong kontrobersiya. Sa isang episode ng News To Go ng GMA News TV., tinalakay nina Howie Severino at Rene San Andres, Associate Dean for Student Affairs ng Loyola Schools of Ateneo de Manila University, ang usapin ng plagiarism at ang posibleng masamang epekto nito sa mga kabataan. Narito ang kanilang talakayan: Howie: Sa mga paaralan partikular na sa mga kolehiyo at unibersidad, mahigpit na ipinagbabawal ang plagiarism. Itinuturing itong isang anyo ng academic dishonesty at kung sino man ang mapapatunayang nag-plagiarized paparusahan ng school administration, ganyan ang sistema sa Ateneo de Manila University. Para pag-usapan iyan, kasama natin dito sa studio si Rene San Andres, Associate Dean for Student Affairs ng de Loyola Schools of Ateneo de Manila University. Magandang umaga po Associate Dean San Andres. Dean San Andres: Magandang umaga din sa lahat. Howie: Gaano ba kahigpit ang Ateneo pagdating sa plagarism? Dean San Andres: Classified 'yan under dishonesty. Kapag dishonesty walang distinction kung minor or major, automatic major iyan. Howie: Which means ano ang punishments? Dean San Andres: Suspension. Howie: At least suspension. Siyempre may due process pa iyan. Ano ba ang proseso na dinadaanan ng isang pinagsuspetsiyahan na nag-plagarize? Dean San Andres: Ang due process ibig sabihin dalawa ang pinaka-pangunahin diyan --ang karapatan ng isang estudyante na malaman niya na may problema siya at saka karapatang maipahayag ang panig niya. Kailangang pakingggan, kailangang ipaalam sa kanya na may problema kami sa iyo, ito ang nakita namin ito ang teksto, ito ang mga isinulat mo puwede bang maipaliwanag mo? Ngayon base sa kanyang pagpapaliwanag, papakinggan iyan ng isang komite. Magkakaroon siya ng karampatang parusa, maaaring sabihin na hindi siya guilty. Pero kapag guilty, susuriin ngayon kung mabigat ba o may nagpapagaan sa kanyang ginawa. Howie: Sa debate o diskusyon tungkol sa mga talumpati ni Sen. Tito Sotto, parang iba't iba ang lumalabas na definition ng plagiarism o pananaw tungkol dito. Para sa Ateneo, ano ba ang definition ninyo ng plagiarism? Dean San Andres: Unang-una siguro yung pinakamadalas na konteksto ng plagiarism. Yung mga nakasulat na ginawa ng estudyante, halimbawa ng isang researcher kapag doon sa kanyang sinulat parang pinalalabas niya na isang ideya na hango sa ideya ng iba, pinalalabas niyang kanya at wala siyang binabanggit na hiniram niya lamang iyon. Subalit may mga issue din na hindi lang para sa mga nakasulat pati sa mga sinasabi. Howie: Nakikita ngayon sa TV ng mga manonood ang forms of plagiarism ayon sa Student Guide ng Ateneo. Yung number one, verbatim repetition of someone else's words without acknowledgement. Ibig sabihin parang inuulit ninyo yung sinulat ng iba o sinabi ng iba nang walang acknowledgement. Ibig sabihin hindi sinasabi kung kanino nanggaling at kunwari kung orihinal ito o nanggaling mismo doon sa sumulat itong nagsubmit nitong paper o thesis. Hindi lang mga salita pero pati na rin ang mga ideya, puwedeng ideya ng iba o sinulat gamit ang ibang sentence structure. Pati pala ideya, ideas coming from someone else pero explain in your own way without attribution or acknowledgement kasama din iyon sa plagiarism. Dean San Andres: Lalong lalo na kung nakilala ang orihinal mula doon sa taong iyon. Howie: Number three, lumitaw kasi itong translation kapag nag-paraphrase o nagtranslate or nag-summarize ng idea ng ibang tao nang walang acknowledgement ay kasama iyon sa inyong definition of plagiarism. And then number four: “improper acknowledgements of sources, as with incomplete/imprecise documentation." Ibig sabihin nag-a-acknowledgement ka pero mali pala or inaccurate. Itong public debate ngayon or discussion tungkol sa plagiarism na lumalabas nga sa Senado, pinag-uusapan ba sa academe? Are you guys reflecting on it para sa inyong kaalaman din? Are you worried about how students are understanding plagiarism dahil sa mga issue na iyon? Dean San Andres: Oo. Ang totoo nga diyan ay nababahala kami sa magiging epekto nito sa kabataan. Dahil para bang role modeling iyan, ipinapakita ng isang nakatataas na ayos lang na humiram at hindi aminin na hiram iyon. Ano kayang halimbawa ang makikita nito sa mga kabataan at ano kaya ang magiging epekto nito kapag sila ay nasa poder na o may katungkulan na. Ang tanong ay mapagkakatiwalaan ba natin ang taong ito o ang kabataang ito dahil may ginaya siya at sasabihin niya ayos nga doon sa nauna sa akin. Parang nakakabahala lang isipin lalong-lalo na kung sinasabi natin. At ako'y naniniwala na malaking bahagi ng problema ng bansa natin dahil sa kurapsyon. At kapag sinuri mo ang phenomena ng kurapsiyon, kawalang ng katotohanan ang nasa buod nun… mapapagkatiwalaan ba ang isang taong ito? Kaya istrikto kami sa unibersidad na simula pa lang ng kabataan ay may malinaw nang prinsipyo ang bata. Dahil kapag pinakawalan mo na iyan sa lipunan at wala na iyang code of discipline na hahabol sa kanya, iyon ay kung ano ang nasa puso niya o nasa isip niya, 'yon ang maggigiya sa kanya. Kapag wala nang tuntuntunin o wala ng giya sa kanya, mapapagkatiwalaan pa kaya natin ang ganyang kabataan. Kaya importante ang mga halimbawang ipinapakita ng mga nakatatanda. Howie: Importante ba iyong notion ng malice o deliberate copying o plagiarism? Paano kung sabihin ng estudyante na nalimutan lang niyang mag-attribute pero may intensiyon sana siyang mag-attribute. Nalimutan lang niya, hindi niya sinasadya. Is that a factor doon sa deliberation o sa due process ng isang estudyante? Dean San Andres: Oo, base sa karanasan namin sa mga estudyante. Oo, factor siya hindi para sabihin na walang plagiarism kundi para babaan lamang ang parusa. Iyon ang kahalagahan nun, mayroong plagiarism kapag napatunayan mo na yung nakasulat na isinumite ng isang estudyante ay kopya mula sa ibang tao at hindi niya kinilala o walang acknowledgement, plagiarism na iyon. Magpapababa lang sa parusa sa kanya kapag hindi niya sinasadya iyon. Howie: Isang pamosong halimbawa ng so-called plagiarism iyong commencement speech ni G. Manny Pangilinan sa Ateneo noong 2010. Lumitaw na may mga passages doon or lines doon na galing sa speeches ng ibang tao. How was that handled by Ateneo? Marami ang nagreact noon, that was a prominent case of plagiarism at maraming nagsasabi na students were observing how the Ateneo will handle this case. Dean San Andres: Una sa mga usap-usapan sa loob ng Ateneo lumitaw nga na sa tunay na buhay mas estrikto ang mga batas tungkol doon sa mga nakasulat doon sa written text. Pagdating dun may mga sinasabi na kapag nag-uusap ang mga tao huwag ka masyadong estrikto, otherwise hindi tayo makakausad. Pero ang issue siguro doon kapag natuklasan... isa pa kung pormal iyon, maganda naman siguro na sa isang pormal na okasyon banggitin mo naman kung alin ang iyo, alin ang hindi kahit in a general sense. At kapag lumitaw nga o nabisto na hindi nga iyo ‘yon, yung marangal na asal sana, aminin at saka ayusin ang pagkakamali. Howie: At maaalala natin, inamin ni G. Pangilinan, nag-apologize at nagresign pa sa board of trustees ng Ateneo. Agad niyang ginawa ito at hindi na siya nagdahilan pa. Dean San Andres: Sa mga kasamahan ko nga hindi nawala ang respeto sa kanya. In fact lumakas pa yata ang respeto sa kanya doon sa ginawa niya. Dahil sa tingin ko ang ginawa niya ang marangal na maaring gawin. Lahat naman tayo ay nagkakamali, tao lang tayo. Pero may marangal na pagharap sa pagkakamali. Howie: Another case ay si Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo na Ateneo alumnus. He was accused of plagiarism. Nagkaroon ba ng stand o statement ang Ateneo tungkol sa kanilang very prominent na alumnus na nasa Supreme Court when this issue came up? Dean San Andres: Si Justice Del Castillo ay sa Ateneo law school siya. Malakas yung aming mga independence sa mga unit, nirerespeto namin sila. Wala akong alam na malinaw o tahasang statement na nilabas. Maaaring hati rin sila pero ‘di ko talaga alam. Wala ako roon sa loob nila kung ano ang opinyo. Pero wala akong maalala ngayon na official stand tungkol sa issue na 'yon. Howie: Maraming nakakapansin na madali ngayong makahuli ng plagiarism dahil sa Internet. Paano ba hinuhuli ngayon ang mga estudyante ng mga guro? Are there special tools or ways na sina-suggest ninyo bilang isang Dean sa mga teacher, professor ng Ateneo para masigurong honest at saka hindi plagiarized ang mga papers ng sina-submit ng mga estudyante? Dean San Andres: Mayroon, ang pinakamadali siyempre kahit sino puwedeng i-Google sabi nga nila. Pro mayroon kaming ginagamit dito sa Ateneo na isang special software 'Turnitin'. Nagbibigay siya ng statistics kung gaano ka-orihinal kahit alin sinulat mayroon pa rin iyan, kahit mga 1% o 7%. Pero may acceptable level of borrowed phrases or words. Ang mga guro sa Ateneo ay gumagamit ng ganyang special software para suriin kung yung isinulat ng estudyante ay orihinal ba. Howie: Ano ito ipinapagamit ng university officially sa mga faculty? Ano nga ang percentage ng acceptable level ng duplication or copying? Dean San Andres: Depende rin, 7%, 10% or 1%. Depende kung gaano ka-popular yung topic, ‘yong pinag-uusapan. Howie: Okay, thank you for shedding light on this very important issue. Maraming salamat, Assoc. Dean Rene San Andres ng Loyola Schools of ADMU. – FRJ, GMA News