ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hepe ng station police sa Maynila at 10 niyang tauhan, suspendido dahil sa reklamong pangongotong


Sinuspindi na nitong Martes ang isang opisyal ng pulisya sa Maynila kasama ang 10 niyang tauhan dahil sa alegasyon ng pangongotong ng P1 milyon sa isang babaeng Filipino-Canadian. Sa report ni Carlo Mateo sa DZBB, kinumpirma ni Police Chief Superintendent Alex Gutierrez, director ng Manila Police District (MPD), na suspendido na sa kanyang puwesto si Police Supt. Rolando Balasabas bilang hepe ng Sampaloc Police Station (MPD-Station 4). Kasama ring sinuspindi ang mga tauhan niyang sina: - SPO3 Sonny Nosidal - SPO1 Renato Gregorio - PO3 Mike Pornilos - PO2 Josefino Callora - PO2 Rolando Ladres - PO2 Dennis Tabliso - PO2 Ryan Malacad - PO2 Laurence Sagum - PO1 Joseph Vistan, at - PO1 Journey Joy Asayo Ang pagsuspindi kay Balasabas at sa kanyang mga tauhan ay batay na rin umano sa utos ni Manila City Mayor Alfredo Lim dahil sa seryosong reklamo laban sa kanila ng balikbayang si Belinda Placido, 55-anyos. Sinabi ni Lim na personal umano na pumunta sa kanyang tanggapan nitong Lunes si Placido para idulog ang reklamo. Sa nasabing report, ipinahayag din ni Lim na si Balasabas ay sinuspindi bunsod ng tinatawag na "principle of command responsibility." Reklamo ni Placido, hinuli umano siya ng mga pulis-Maynila mula pa sa kanyang tahanan sa San Felipe, Zambales noong madaling araw ng Setyembre 12. Dinala siya ng mga pulis sa MPD Station 4 sa Sampaloc at ikinulong ng dalawang araw nang walang kaukulang reklamo laban sa kanya. Habang nakakulong, sinabihan umano si Placido ng mga pulis na sangkot siya sa kasong pananaksak. Pinagbabayad umano siya ng P1 milyon para aregluhin ang kaso at makalaya na siya. Sa report naman ni Ian Cruz sa Balitanghali sa GMA News TV, sinabing “nobyo" ni Placido ang isa sa mga suspek na si Nasidal. Sinabi naman ni Gutierrez na inatasan na niya ang Special Weapons and Tactics (SWAT) Team na pag-ibayuhin ang manhunt operation laban sa iba pang pulis na isinasangkot sa reklamo na hindi na nagpakita sa himpilan. Isa sa mga pulis na nakilalang si Police Officer 1 Joseph Bitang ang boluntaryong sumuko sa General Assignment Section ng MPD headquarters nitong umaga ng Martes. Isa siya sa pinaratangan na kumuha ng P1 milyon mula sa nagreklamong balikbayan. --MM/FRJ/KG, GMA News