ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arsobispo, may babala sa PNP sa pagpapakalat ng mga ‘sekreta’


Dapat umanong salaing mabuti ng Philippine National Police (PNP) ang mga hindi unipormadong tauhan nito na ihahalo sa mga sibilyan na kung tawagin ay secret marshal o sekreta. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, sinabi ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na tiyak na dagdag problema sa imahe ng PNP kapag pumalpak ang ikinalat nilang mga secret marshal. "One of the most basic requirements for secret marshal, quote and quote is that they are beyond suspicion. Their integrity must be proven. That would be the promises for them being secret, quote and quote," paliwanag ni Cruz sa panayam ng Radyo Veritas nitong Martes. Una rito, inihayag ng liderato ng PNP ang pagpapakalat ng mga naka-sibilyang pulis sa iba’t ibang lugar at pampublikong sasakyan bilang panglaban sa lumaganap na krimen. Noong nakaraang Abril, sinabi ni PNP spokesman Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr. na walang plano ang liderato ng PNP na magpakalat ng mga sekreta noong panahon ng Holy Week dahil sa pangamba na baka magkaroon lamang ng misencounter. “Baka hindi makilala ng unipormadong pulis baka mapagkamalang kriminal," paliwanag ng tagapagsalita noon ng PNP. Ayon naman sa arsobispo, tiyak na magiging malaking problema ng PNP kapag nagkaroon ng secret marshal na nasangkot sa hindi magandang gawain. "Kapag ‘yan ay pumalya it will be worst. Meaning to say if the secret marshals themselves, some of them are thief just like any other policemen who are now suspecting doing this or that, then the PNP would be in greater trouble," katwiran ni Arch. Cruz kaya mahalaga umanong masalang mabuti ang mga ikakalat na sekreta. Sa kabila ng pag-aalinlangan, nanawagan pa rin sa publiko ang arsobispo na bigyan ng pagkakataon ang mga awtoridad na gawin ang kanilang tungkulin na naglalayong protektahan ang mga tao laban sa mga kriminal. - MP/FRJ, GMA News