Guatemala compound sa Makati, mahigpit na binabantayan
Matapos ang magulong demolisyon sa Guatemala compound sa Barangay San Isidro sa Makati City noong Lunes, mahigpit nang binabantayan ng mga awtoridad ang lugar upang iwasan ang pagsiklab muli ng kaguluhan. Partikular na binabantayan ng mga security guad sa lugar na hindi makapagtatayo muli ang mga informal settler ng mga bagong tirahan doon, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa 'News To Go' ng GMA News TV. Sa gitna ng tensyon, pinapayagan pa rin ng mga lokal na opisyal ang mga dating residente na magpalipas ng gabi sa gilid ng kalye, dagdag pa ng ulat. Matatandaang nag-alok ang Makati City government ng isang relocation site sa Calauan, Laguna. Pero kung ayaw naman ito ng mga residente, maaari na lamang umanong kuhanin ang alok na pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng P24,000 bawat pamilya. "Dito nalang muna kami, pero 'pag mabigyan na kami ng kabuhayan at saka 'yung sinasabi nilang P24,000, lilikas kami rito," ani Morris Morales, isa sa mga residente. "Kasi kung hindi naman sila magbibigay, manananatili kaming nakakalat riyan sa kanto," dagdag pa niya. Pagsampa ng kaso vs 8 residente Noong nakaraang Martes, inihayag ng mga pulis ng lungsod ng Makati ang plano nilang paghahain ng reklamo laban sa walong taong sangkot umano sa marahas na demolisyon noong nakaraang Lunes. Sa panayam ni Sam Nielsen ng radio dzBB, inihayag ni city police chief Senior Superintendent Manuel Lukban na kabilang ang mga reklamong malicious mischief at direct assault on persons in authority sa kanilang ihahain sa prosecutor's office laban sa mga sangkot. Kabilang sa nais nilang sampahan ay si Guatemala Neighborhood Association president Lino Ojos, ayon sa ulat. Ayon sa isang press release ng lokal na pamahalaan ng Makati, mahigit 27 katao ang sugatan, kabilang na ang 13 pulis, 11 tauhan ng City Engineering Department, isang public safety officer (MAPSA), at dalawang residente ng Guatemala. Maliban nito, napinsala rin ang ilang sasakyan at kagamitan ng gobyerno, kabilang na ang mga patrol car, fire trucks at police shields. Samantala, ipinagpapatuloy pa rin ang paglilinis sa lugar, kung saan nagkalat ang mga basura at guho ng mga tirahang giniba sa loob ng compound, ayon sa ulat. Kasalakuyan namang nangangalap ang mga residente ng mga materyales na maaari nilang magamit sa pagtatayo ng kanilang mga bagong tirahan, dagdag pa ng ulat. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News