‘Ang Suga,’ ang unang pahayagang nilimbag sa Cebuano
Alam niyo ba si dating Senador Vicente Yap Sotto ang nasa likod ng unang pahayagan na nilimbag sa Cebu na nakasulat sa lokal na diyalektong Cebuano? Si Sen. Sotto ay kinikilalang “Ama ng literatura" sa lalawigan ng Cebu dahil sa kanyang mga isinulat tulad ng “Maming," “Ang Paghigugma sa Yutang Nataohan," at “Elena," na ginawang play at itinanghal sa entablado. Taong 1901 nang ilabas ni Sotto ang pahayagang "Ang Suga," ang unang pahayagan na nakasulat sa Cebuano. Nagsilbi itong daan para malathala ang mga katha ng iba pang manunulat. Nang maging senador, iniakda niya ang batas na nagbibigay ng proteksiyon sa mga mamamahayag upang hindi mapuwersang isiwalat ang kanilang mga impormante o source ng istorya. Ang naturang batas na Republic Act 53 o Press Freedom Law ay naipasa noong 1946. Kinikilala ito ngayon na "Sotto Law." Si Sotto ay lolo ng kasalukuyang senador na si Vicente “Tito" Sotto III. - FRJ, GMA News