Lalaki, sinunog ang sarili sa loob ng Magellan's Cross shrine sa Cebu
Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nagsunog sa sarili nitong umaga ng Huwebes sa loob mismo ng Magellan's Cross shrine sa Cebu City. Ayon sa ulat ni Keith Matus-Cortez ng RGMA-Cebu sa dzBB, binuhusan ng lalaki ng gasolina ang kayang katawan saka sinilaban ang sarili. Nagliliyab na umano ang katawan ng lalaki bago makita ng mga guwardiya ng Basilica Menore del Santo Niño, dagdag pa sa ulat. Naapula ng mga guwardiya ang nagliliyab na apoy sa katawan ng lalaki gamit ang fire extinguisher ng City Hall ng Cebu na nasa tapat lamang ng Magellan's Cross Shrine. Kaagad namang nilapatan ng paunang lunas ang lalaki ng mga rumespondeng miyembro ng Emergency Rescue Unit Foundation (EROF). Nasa Cebu City Medical Center na ang lalaki, ayon sa ulat. Ang Magellan Cross Shrine ay isa sa mga kilala at dinadayong tourist destination sa Cebu City. Sa lugar na ito umano itinayo ni Magellan ang unang Christian Cross noong 1521. — LBG, GMA News