ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Konstruksyon ng Sansha City sa West PHL Sea minamadali na ng China


Minamadali na ng China ang konstruksyon sa Sansha City, ang bagong tatag na lungsod sa isang maliit na pulo na bahagi ng Paracel Islands sa South China Sea, na isang grupo na isla na pinag-aagawan ng China, Vietnam at Taiwan. Ayon sa ulat sa official web portal ng China nitong Linggo, kabilang sa mga naplano na ng mga awtoridad na itayo sa Yongxing Island ang isang housing program at infrastructure projects tulad ng road construction, water supply at drainage. Bagama’t hindi kasama ang Paracel Islands sa mga pulong inaangkin ng Pilipinas, ikinababahala pa rin ng gobyerno ang pag-unlad ng naturang lungsod sapagkat ayon sa China, sinasakop ng Sansha City ang 200 islets, sandbanks at reefs sa Xisha (Paracels), Zhongsha at Nansha (Spratlys) island groups. Inaangkin ng Pilipinas ang ilang mga isla sa Spratlys. Nauna nang sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesperson Raul Hernandez na hindi kinikilala ng Pilipinas ang Sansha City at tinaguriang “unacceptable” ang ginagawa ng China roon. Ayon naman kay Eugenio Bito-onon Jr., mayor ng Kalayaan town sa Palawan, noong 1978 pa unang nanirahan ang mga Pilipino sa Kalayaan islets sa Spratlys, samantalang kasalakuyan pa lamang binubuo ng China ang kanilang gobyerno sa Sansha City. Ayon sa ulat sa web portal ng China nitong Linggo, kabilang sa infrastructure plans ay ang pagtatayo o pagsasaayos ng pitong mga kalsada na may kabuuang haba na 5 km. Mayroon na rin umanong itinatayong desalinator na maaaring mag-process ng 1,000 cubic meters ng seawater sa bawat araw upang masiguro ang supply ng fresh water sa isla. Kabilang din sa mga proyekto ay ang pagtatayo ng inter-island transportation at dock, at pati na rin ang pagpapaunlad ng Zhaoshu Island. Inanunsyo naman ni Sansha Mayor Ziao Jie nitong Sabado ang pagsisimula ng housing construction program na mayroong investment na 18.7 million yuan ($2.97 million). Opisyal na itinatag ng China ang Sansha sa Yongxing Island nito lamang Hulyo 24. Ayon kay Zhang Geng, executive mayor ng Sansha, sinisikap ng kanilang gobyerno na magkaroon ng "harmony between human and nature" sa itinatayong lungsod sa isla. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News