ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

10-anyos na suspek sa pagpatay sa inaalagaang may sakit, posibleng inutusan mismo ng biktima


Palaisipan ngayon sa pulisya ang pagkamatay ng isang 50-anyos na lalaking maysakit sa Mangaldan, Pangasinan. Ang suspek sa krimen, ang nag-aalaga sa kanya na 10 taong-gulang na lalaki. Sa ulat ni GMA-Dagupan reporter Alfie Tulagan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing natagpuang may laslas sa kanyang mga kamay ang biktima sa loob bahay nito sa brgy. Makayog, Mangaldan. Pinaniwalaang may kinalaman ang bata sa krimen dahil wala ito sa bahay nang makita ang bangkay ng biktima at nawawala rin ang pitaka nito. Ayon sa kaanak ng biktima, nang matagpuan ang bata nitong Lunes ay nakitang may bahid ng dugo ang damit nito. Sa imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, may posibilidad umano na mismong ang biktima ang nag-utos sa bata na gawin ang krimen sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang kamay. Paliwanag ni P/Supt. Mateo Casupang Jr., hepe ng Mangaldan police, tatlong taon nang may sakit ang biktima at hindi na ito nakakakilos. Maaaring hindi na umano kaya ng biktima ang kanyang sitwasyon at inutusan na lamang nito ang inosenteng bata na gawin ang pagpaslang sa kanya. Dinala na sa Department of Social Welfare ang bata habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon ng pulisya. - FRJ, GMA News