Recto, pinalitan ni Drilon sa ways and means committee
Inaprubahan nitong Martes ang pagbibitiw ni Senador Ralph Recto bilang pinuno ng Senate committee on ways and means bunga ng mga batikos na tinanggap nito kaugnay sa ipinasang bersiyon ng sin tax bill na nagpapatupad ng mas mababang singil sa buwis ng sigarilyo at alak. Matapos ang isinagawang caucus ng mga senador na pinangunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile, napagkasunduan na ipalit kay Recto si Senador Franklin Drilon. Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, napagkasunduan ng mga senador na dumalo sa caucus na inabot ng tatlong oras na si Drilon italagang acting chairman ng komite upang maipagpatuloy ang pagtalakay sa sin tax bill. Nitong Lunes, nagbitiw si Recto bilang chairman ng komite matapos akusahan na pinaboran niya ang multi-national companies na gumagawa ng sigarilyo kaya mas mababang buwis ang ipinataw sa isinusulong na sin tax bill. Sa orihinal na bersiyon ng panukala na inirekomenda ng Malacanang, P60 bilyon ang nais nilang malikom sa bagong buwis sa sigarilyo at alak. Pero sa ipinasang bersiyon sa Kamara de Representantes, nabawasan ang target collection ng Malacanang sa P30 bilyon na lamang. Ngunit higit na mababa ang inaprubahang bersiyon ng komite ni Recto na aabot lamang sa P20 bilyon ang kikitaing buwis. Sa privilege speech ni Recto nitong Lunes, sinabi ng senador na hindi na niya kaya ang paratang ng ilang sektor na tumanggap siya ng suhol mula sa mga kumpanya na gumawa ng sigarilyo. Sa panayam nitong Martes matapos ang caucus, sinabi ni Drilon na kaagad siyang magpapatawag ng pulong ng komite sa Miyerkules para matalakay ang resulta ng isinagawang pagdinig ng komite sa ilalim ng pamumuno noon ni Recto. Plano ni Drilon na amyendahan ang rekomendasyon ng komite upang maitaas ang singil sa buwis sa sigarilyo at alak bago ito dadalhin sa plenaryo para pagbotohan. "We will decide whether we will retain it or we will recommit it to the committee," aniya. "If it stays in the plenary, we will proceed in the period of interpellations and the period of amendments." - ER/FRJ, GMA News