ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Katuwaan ng limang magkakaibigan, nauwi sa trahedya sa Cebu


Nauwi sa trahedya ang kasiyahan ng limang magkakaibigan sa Cebu City nang tangayin sila ng alon sa dagat at malunod ang isa. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing tinangay ng alon sa dagat ang limang magkakaibigan na nagresulta sa pagkakalunod ni Jun Ylaya. Sa kalagitnaan ng gabi, napasugod umano ang Bantay-Dagat ng Cebu city sa baybayin ng barangay Cogon matapos silang makatanggap ng ulat na may mga kabataan na tinangay ng alon sa dagat. Agad na nakitang ligtas ang apat pero nawawala si Ylaya. Ayon sa kaibigan nitong si Mark Alcodo, bumalik umano ang biktima sa tubig at hindi na muling lumutang. Halos magdamag na naghanap ang rescue team pero nakita ang bangkay ng biktima kinaumagahan sa kalapit na barangay. Sinabi ng ina ng biktima na nagpaalam lang ang kanyang anak na makikipaglaro sa mga kaibigan. – FRJ, GMA News