Ex-PBA star na si Bong Alvarez, boluntaryong nagpa-rehab
Sasailalim sa rehabilitasyon o rehab ang dating basketball player ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Paul “Bong" Alvarez. Sa ulat ni GMA News reporter John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing sinundo ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Alvarez. Paglilinaw naman ni Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, hindi dinakip at walang kinakaharap na kaso tungkol sa iligal na droga si Alvarez. Tutulong lang umano ang PDEA kay Alvarez sa pagpapa-rehab nito na posibleng tumagal ng hanggang anim na buwan. Tumanggi naman si Carreon na sabihin kung saang rehabilitation center dinala si Alvarez, na nakilala sa PBA bilang si “Mr Excitement" dahil sa mataas nitong pagtalon at slum dunk. Noong 2007, nasangkot sa gulo si Alvarez dahil sa pananakit umano ng isang TV reporter at taxi driver. - FRJimenez, GMA News