ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presyo ng noodles, bottled water, kokontrolin na rin sa panahon ng kalamidad


Dahil kabilang na sa mga produkto na pangunahing kailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay at maging sa panahon ng kalamidad, inirekomenda ni Senador Manny Villar na isama sa mga produktong sakop ng Price Act ang noodles at bottled water. Nitong Miyerkules, inisponsor sa plenaryo ni Villar, chairman ng Senate committee on trade and commerce, ang kanyang Committee Report No. 444 na kinapapalooban ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act 7581 o ang Price Control Act. Nakapaloob sa naturang report ang pagpapalawak sa mga produktong sakop ng Price Act sa panahon ng kalamidad kung saan isinama sa mga listahan ng produkto ang noodles at bottled water. “Batay sa mga pag-aaral, dumarami pa ang ating mga kababayang umaasa sa instant noodles bilang patawid-gutom sa araw-araw. Halos ito na mismo ang pamalit-kanin ng marami nating kababayan. Ito marahil ay dahil mas mura ang noodles at mas madali kaysa kanin," paliwanag ng senador sa kanyang sponsorship speech. Itinuturing ng mambabatas na kahanay na ngayon ng instant noodles at bottled water ang bigas, mais, tinapay, isda at karne at iba pa, bilang mga pangunahing pangangailangan. Sa mga evacuation centers at maging sa mga ipinamamahaging relief goods, hindi umano mawawala ang mga instant noodles at bottled water. “Uulitin ko po, layunin ng komite na isali ang instant noodles manufactured in the country at potable water in containers sa definition ng ‘basic necessities’ sa kasalukuyang Price Act. Ito po ay para manatiling accessible o kayang-kaya ito sa mga mamimili. Malaking bagay ito sa maraming Filipino dahil kailangan na ang dalawang bilihin o produktong ito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga kababayan," paliwanag ni Villar. “Higit na kailangang hindi ito maging mahal sa mga panahong tulad ng kalamidad, o panahon ng emergency o panahon ng kakulangan. Dapat manatili itong mura at kayang-kayang bilhin ng ating mga mamamayan," dagdag pa niya. - RE/FRJ, GMA News