ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Battalion commander at 8 sundalo, iimbestigahan sa pagkamatay ng mag-iina sa Davao Sur


Iimbestigahan ang isang battalion commander at walong sundalo sa Davao del Sur kaugnay sa pagkamatay ng isang buntis na babae at dalawa nitong anak sa isinagawang operasyon ng militar sa Barangay Danlag sa bayan ng Tampakan noong Huwebes. Ayon kay Lt. Col. Lyndon Paniza, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, inalis na sa kanilang puwesto sina 27th Infantry Battalion commander Lt. Col. Alex Bravo, at ang company commander na si 1Lt Dante Jimenez. Hindi naman tinukoy sa ipinalabas na pahayag ng Army ang pito pang sundalo na kasama ng "squad" na kasama sa operasyon na ginawa sa Sitio Datal-Alyong, Barangay Danlag. Pakay umano ng mga sundalo ang pagtugis sa armadong grupo na pinamumunuan ng isang tribal leader na kinilalang si Daguil Capeon. Sa naturang operasyon, nasawi ang asawa ni Capeon na si Jovy na dalawang buwang buntis, at kanilang dawalang anak na na sina Jan-Jan, 13-anyos at Jorge, 6. Isa pang anak nila ang nasugatan. Ayon kay Paniza, agad na nag-utos si 10th ID commander Brig Gen. Ariel Bernardo na bumuo ng isang Board of Inquiry para imbestigahan ang alegasyon na lumabag sa "Rules of Engagement" ang sangkot na mga sundalo. "Brig. Gen. Bernardo immediately ordered the creation of a Board of Inquiry (BOI) to conduct investigation for possible violations of the Rules of Engagement by the operating troops and directed Lt. Col. Bravo, 1Lt Jimenez (company commander) and the rest of the members of the operating troops to report to him," ayon sa pahayag. Dagdag pa ni Paniza, ito ay magpapatunay na walang pagtatakpan ang militar sa nangyaring insidente na ikinasawi ng mga sibilyan. “If there have been lapses on the part of our troops, then they will face charges. Instances like this are inevitable especially in the field as our men are mandated to secure and protect the people," patuloy ng opisyal. Pero batay sa paunang impormasyon, sinabing hindi batid ng mga sundalo na nasa loob din ng kubo na pinagtataguan ni Daguil ang pamilya nito. Samantala, iginiit naman sa isang pahayag ng Kusog sa Katawhang Lumad sa Mindanao (KALUMARAN), masaker ang nangyari sa pamilya Capeon na kilala umanong katutubong lider na tutol sa mga pagmimina. - MM/FRJ, GMA News