ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dahil sa patuloy na pagkatay sa mga aso, Animal Welfare Act, pinabubusisi sa Kamara


Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong repasuhin ang Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998 bunga ng patuloy na pagmamalupit sa mga hayop tulad ng pagkatay sa mga aso. Sa House Resolution No. 2620 na inihain ni Las Piñas City Rep. Mark Villar, hiniling nito na pag-aralan ng Kongreso ang RA 8485 upang malaman kung kailangan pang higpitan ang batas para tuluyang matigil ang pagkatay sa mga aso partikular sa ilang lalawigan sa Cordillera and Northern Luzon. Puna ng kongresista, lantaran ang bentahan ng karne ng aso sa ilang lugar sa nabaggit na rehiyon dahil naging bahagi na ng putahe ng mga tao doon ang karne ng nasabing hayop. Sa ilalim ng RA 8485, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpatay sa ilang uri ng hayop gaya ng aso, maliban na lamang kung gagamitin sa mga katutubong ritwal at iba pang gawain na may kaugnay sa kulturang Pilipino na pinapahintulutan ng batas. “Despite the penalty provision of the law unscrupulous traders involved in the dog meat business continue with its illegal activities," ayon kay Villar. Dagdag pa niya sa isang pahayag, patuloy ang pagkatay sa mga itinuturing “man’s best friend" gaya sa Pangasinan at Benguet para ibenta ang karne. Sa palengke ng Baguio City, makikita pa umanong naka-display ang mga kinatay na aso. “RA 8485, which supposedly gives protection to animals and Republic Act 9482 or the ‘Anti-Rabies Act of 2007’, which provides a system of the control, prevention of the spread, and eventual eradication of human and animal rabies and responsible ownership did not stop the dog meat trade," paliwanag niya. Paliwanag pa ng mambabatas, hindi lang ang mga hayop ang nais niyang protektahan kundi maging ang mga tao na kumakain ng aso na posibleng malason o magkasakit sa pagkain ng karte ng aso. Batay umano sa isang pag-aaral ni Dr. Irwin H. Putzkoff, PhD, MD Schmuckintush professor ng nutrition physiology, sinabi ni Villar na madaling magkahawahan ang mga aso sa siksikan nilang kulungan, at ang taglay nilang sakit ay maaaring maipasa sa tao na kakain ng kanilang karne. Sa isang ulat kamakailan ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing isang lalaki sa Ilocos Norte ang nasawi matapos kumain ng karne ng aso. Hindi kaagad nakumpirma ng mga awtoridad kung dahil sa pagkain ng aso ang sanhi ng pagkamatay ng biktima o sadyang mayroon na itong nalubhang karamdaman bago pa man kainin ang karne ng aso. - RP/FRJ, GMA News