Pedro Calungsod: Ikalawang Pilipinong santo
Opisyal nang naproklamang ikalawang Pilipinong santo si Beato Pedro Calungsod nitong Linggo matapos isagawa ang canonization rites sa pamumuno ni Pope Benedict XVI sa Vatican City. Hinirang na santo si Calungsod kasama ang anim pang iba sa isang pampublikong consistory, o isang assembly ng mga Katolikong kardinal, na pinamunuan ng Pope sa St. Peter's Square. Si Vice President Jejomar Binay ang naging kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas sa canonization rite ni Calungsod. Ginawang santo si Calungsod isang taon matapos opisyal na kinilala ng Vatican ang kanyang ikalawang miraglo—ang pagpapagaling sa isang negosyante sa Leyte na nasa coma noong 2003. Si Calungsod ang ikalawang santo na nagmula sa Pilipinas, kung saan karamihan ay mga Katoliko. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan mula noong iproklamang unang Pilipinong santo si Lorenzo Ruiz, isang martir na missionary sa Japan noong 1637. Paliwanag ng Archdiocese ng Cebu, ang act of canonization ay isang “infallible and irrevocable decision of the Pope.” Maliban kay Calungsod, naproklama ring santo sina: Blessed Kateri Tekakwitha, Blessed Maria Anna Cope, Blessed Jacques Berthieu, Blessed Maria Schaeffer, Blessed Giovanni Battista Piamarta, at Blessed Maria del Carmen. Sino si Pedro Calungsod? Binatilyo pa lamang si Calungsod, na tubong Visayas, nang sumama siya sa Spanish Jesuit missionaries, na pinamumunuan ni Fr. Diego Luis de San Vitores, sa misyong turuan ng kristiyanismo ang mga katutubo ng Mariana Islands noong 1668. Noong Abril 2, 1672, nagtungo si Calungsod, na pinaniniwalaang 17 taong gulang ng mga panahong iyon, sa Tumon village sa Guam upang tulungan si San Vitores na binyagan ang isang bagong sinilang na sanggol. Tumanggi umano ang ama ng sanggol at ang chief ng village, Mata'pang, na isagawa ang sakramento dahil sa kanilang paniniwalang lason umano ang tubig na ginagamit sa pagbibinyag. Gayunpaman, pinayagan ng Kristyanong ina na gawin binyagan ang kanyang anak. Nang malamang natuloy ang binyagan, tinambangan ni Mata'pang at ng isa pang villager na nangangalang Hirao si Calungsod at San Vitores. Natamaan ng sibat ang Pilipinong martir at tuluyang namatay nang tamaan ang kanyang ulo gamit ang isang ispada. Pumanaw rin si San Vitores sa insidente. Ang kanilang mga katawan, na itinapon umano sa dagat, ay hindi na muli nakita. Sa beatification na seremonya ni Calungsod noong 2000, inilarawan ni yumaong Pope John Paul II ang Pilipinong martir bilang isang “good soldier of Christ… who intercedes for the young, in particular those of his native Philippines.” Paano siya naging santo Naitakdang maging santo si Calungsod noong nakaraang taon nang napatunayan ng Vatican ang "major miracle" na inulat ng isang doktor mula sa Cebu City na umano'y nanawagan sa Pilipinong martir na pagalingin ang 49-taong-gulang niyang pasyente. Hindi na umano gumagalaw, nagsasalita o rumeresponde sa kahit anong stimuli ang pasyente, isang babae mula Leyte na sumailalim sa heart surgery, nang magdasal ang doktor kay Calungsod, Matapos magdasal ang doktor kay Calungsod, nakaranas umano ng "rapid recovery" ang babae sa sunod na 48 oras. Inulat sa Archdiocese of Cebu ang agad na paggaling ng pasyente, na napatunayang "supernatural occurence" umano noong Hunyo 2005 ang naganap. Ipinasa naman ang kanilang resulta sa Congregation for the Causes of Saints sa Vatican City, na kinilala ang validity ng proseso noong Nobyembre 2005. Ipinadidiriwang ang feast day ni Calungsod tuwing Abril 2. Inilarawan ng Malacañang ang sainthood ng Pilipinong martir bilang “great spiritual joy and national pride.” — BM, GMA News