Sinampahan na ng kasong robbery with homicide ang limang suspek sa pagpatay sa security aide ni Justice Secretary Leila de Lima nitong nakaraang Mayo. Kinilala ang lima, na miyembro umano ng “UV Express Tirador Gang,” na sina:
- Ritchie John Cahinta, na kilala rin bilang Jun Negro
- Almario Rentillosa,
- Jun Bellera, na kilala rin bilang Jun Delara
- Ferdinand Paragas a.k.a Pedro
- Chris de la Cruz
Samantala, dalawang suspek — sina Bellerga, Paragas at De la Cruz — ang pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay sa pagpatay kay Alister Quintos, security aide ni De Lima. Nauna nang naghain ng reklamo ang kapatid ni Quintos na si Adrian Quintos. Isinumite naman ng National Bureau of Investigation ang complaint-referral sa Department of Justice nitong Lunes. Natagpuang patay si Alister nitong Mayo sa isang kalye sa Barangay Garlang sa San Ildefonso, Bulacan. Huli siyang nakitang nakasakay sa isang "colorum" van taxi habang pauwi sa kanyang bahay sa Antipolo City. “It seems na si Ali nga, since may baril siya noong nag-announce na may hold up, [nilabas] niya ang baril nya. Binaril niya ‘yung katabi niya but unfortunately, ang kwento ay nag-jam ‘ata baril ni Ali,” ani De Lima sa isang panayam nitong Lunes. “Binaril sya noong parang head noong grupo na ‘yun. Imagine in one vehicle, nandoon ‘yun limang male members ng robbery group at may dalawang female members ng robbery group,” dagdag niya. Ayon kay De Lima, hindi pa kinokontak ng isang pasaherong nakaligtas mula sa robbery-incident ang mga awtoridad.
Testigo? Samantala, kinukonsiderang maging state witness sa kaso si Rentillosa, isa sa mga suspek na siya umanong nagmaneho ng van kung saan nangyari ang krimen. Ayon sa abugado ni Rentillosa, Jose Mari Carbonell, maaari umanong maging state witness ang kanyang kliente sapagkat "biktima" rin umano ito. “Sa lahat kasi ng suspects, siya ang least guilty and less ang participation niya sa kaso,” ani Carbonell. “Initially kasi biktima lang siya (Rentillosa). ‘Yung subsequent act [of robbery] napilitan na lang siya… Binibigyan siya ng boundary pero at the same time may threat sa buhay niya at sa relatives niya na ‘pag hindi siya mag-participate, tutuluyan siya,” dagdag pa ng abugado. “May related case na tinuro siya ng mga kasamahan niya, he might as well point the suspects,” ani pa ni Carbonell. Tinutukoy niya ang hiwalay na robbery case sa Parañaque na kinasasangkutan ng mga parehong suspek. Pangako naman ni De Lima, malapit nang makamtam ang hustisya sa pagkamatay ni Alister. “Well, at least malapit na makamtam ang justice… So, case closed in so far as identifying the perpetrators. I mentioned that para sa akin ang closure talaga when formal charges are filed in court.” Sang-ayon naman dito ang kapatid ng biktima na si Adrian. “Unang-una, masaya at nagpapasalamat sa tulong at effort ng NBI, siyempre ni DOJ Secretary De Lima for continuously monitoring this. Sa limang buwan na inantay namin na magkaroon ng hustisya, unti-unti na namin at least nakikita na may [nangyayari]... sa kasong ito,” ani Adrian.
— Amanda Fernandez/KBK, GMA News