2 rebelde patay, 6 sundalo sugatan sa bakbakan sa Compostela Valley
Dalawa umanong miyembro ng New People's Army (NPA) ang namatay, habang anim na sundalo ang nasugatan sa bakbakan ng dalawang grupo sa Compostela Valley noong Linggo ng tanghali. Sa isang pahayag ng militar nitong Martes, sinabing nag-ugatang labanan nang salakayin ng mga rebelde ang mga sundalong miyembro ng Peace and Development Team (PDT) ng 71st Infantry Batallion sa barangay Calabcab sa bayan ng Maco. Nagpapahinga umano ang mga sundalo sa isang tindahan sa gilid ng barangay hall nang dumating ang tinatayang 60 rebelde at pinaputukan ang tropa ng pamahalaan, ayon kay Lt. Col. Lyndon Paniza, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army. Idinagdag pa ni Paniza na mayroong mga sibilyan malapit sa lugar nang isagawa ng mga rebelde ang pag-atake sa mga sundalo. Nakuha umano mula sa dalawang namatay na rebelde ang isang M16 rifle, at isang M14 armalite. Kinilala naman ni Paniza ang mga nasugatang sundalo na sila Sgt. Marlon N Parong, Corporal Romualdo Tangonan, Private First Class (PFC) Erwin Manabat, PFC Jaypee Sionillo, PFC Carmelo Cachuela, at PFC Ludivico Elegio Jr. – MM/FRJ, GMA News