PNoy, sumakit ang tiyan sa Australia; state banquet na inihanda ng PM, ‘di na tinapos
Dahil sa pagsakit ng tiyan, hindi na tinapos ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang inihandang state banquet ni Australian Prime Minister Julia Gillard para sa delegasyon ng Pilipinas. Dumating sa Australia si Aquino nitong Miyerkules (oras sa Pilipinas) matapos bumisita sa New Zealand. Ito ay bahagi ng official visit ng pangulo para palakasin ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas sa dalawang nabanggit na bansa. Bago umalis sa state banquet na inihanda Gillard, nagawa pa ni Aquino na daluhan ang ceremonial speeches at toasts. Dahil sa kondisyon ng pangulo, kinansela ang nakatakda pa sana niyang pakikipag-usap sa media. Hindi pa tiyak kung matutuloy ang nakatakda niyang pulong sa Huwebes na kabibilangan ng pakikipagkita niya sa mga negosyante at opisyal sa Australia, kasama na si Barry O’Farrell, ang Premier of New South Wales. Nakatakda rin niyang harapin ang mga Pilipino sa Australia bago tumulak pabalik sa Pilipinas sa Biyernes. Una rito, nilagdaan ng Pilipinas at Australia ang bagong Air Services Agreement na inaasahang magpapalakas sa kalakalan at turismo ng dalawang bansa. Napagkasunduan din na magtutulungan para sa ikauunlad ng Mindanao at sektor ng pagmimina sa Pilipinas. - FRJ, GMA News