ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kongreso, kinalampag ni Ramos na magpasa ng anti-political dynasty law


Suportado ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang mga panawagan sa Kongreso na magpasa ng batas kontra sa political dynasty na nakasaad naman sa Saligang Batas. Sa exclusive interview ni Howie Serverino sa News To Go nitong Biyernes, kinatigan ni Ramos ang mga puna na iilang maimpluwensiya at mayayamang pamilya lamang ang humahawak ng matataas na posisyon sa bansa. “Nakikita naman natin na sinasarili lang ng kakaunting pamilya, mga mayayaman, mga malalakas at maraming koneksyon ang mga matataas na poder dito sa atin," pahayag ng dating pangulo na naupo sa Malacanang mula 1992 hanggang 1998. Dagdag pa niya, nakalagay sa Saligang Batas ang probisyon laban sa political dynasty at kailangan lamang magpasa ang Kongreso ng batas para bigyan ito ng kahulugan at karampatang parusa sa mga lalabag. “Dapat mayroon tayong maliit na reporma sana sa ating Saligang Batas. Hindi amendment to the Constitution ang pinag-uusapan. The enactment of the law to define what is political dynasty. Kasi ang sabi ng Saligang Batas that is prohibited, as may be defined by law," ayon kay Ramos. “Pero hanggang ngayon after 26 years of the ’87 Constitution (ni ex-President Cory Aquino), e wala pang naisasabatas na definition of what is political dynasty kaya katakut-takot yung turncoatism at corruption," puna pa niya. Patuloy pa ni Ramos, maaaring ilagay ang kahulugan ng political dynasty sa ilalim ng seksyon tungkol na nagpapaliwanag sa kapangyarihan ng pangulo. “Nandon na ‘the chief executive cannot appoint any relative to the fourth degree of affinity or consanguinity to an executive position. Lagay din natin ‘yan sa political dynasty para tapos na," aniya. Ang tinutukoy ni Ramos ay ang Article VII, Section 13 paragraph 2 na nagsasaad na: “The spouse and relatives by consanguinity or affinity within the fourth civil degree of the President shall not, during his tenure, be appointed as Members of the Constitutional Commissions, or the Office of the Ombudsman, or as Secretaries, Undersecretaries, chairmen or heads of bureaus or offices, including government-owned or controlled corporations and their subsidiaries." Ginawa ring halimbawa ni Ramos ang Saligang Batas ng Thailand na may probisyon kontra sa turncoatism o pagpapalit-palit ng partido ng mga politiko. “Ang sabi dun, if you want to change your political party at anytime, go ahead. But, may but…but you will not run for political, public office in the next three years. Or if there is an election on going, you are disqualified from running in that election and for the next three years thereafter," paliwanag niya. Magbabalik ang panahon ng Lakas-CMD Bagaman hindi na magiging aktibo sa pulitika, sinabi ni Ramos na nais niyang mapanatiling buhay ang binuo niyang partido na Lakas-Tao nang tumakbo siyang pangulo noong 1992, na kalaunan ay naging Lakas-Christian Muslim Democrats o Lakas-CMD. Nilinaw din ni Ramos na hindi niya sinuportahan ang pagsasanib noong 2008 ng Lakas-CMD sa partido ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na Kabalikat ng Malayang Pilipino o Kampi. Idinagdag din niya na nagbigay siya ng bilin sa kanyang mga dating kasangga sa pulitika na tatakbo sa darating na 2013 elections na huwag kalilimutan kung saan sila unang nagsimula. “Ang sinabi ko naman dun sa mga natitirang kingpins namin, sige mangandidato kayo. Kung gusto niyong sumama sa ibang partido, sige sama kayo ro’n sa kabila in the mean time. Pero ‘wag niyong kalimutan kung saan kayo nanggaling, never forget where you came from. Lumingon kayo sa akin, sabi ko," kwento niya.. “Kasi, darating uli yung panahon natin…good governance," dagdag niya. Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. ang Lakas-CMD matapos humiwalay na sa Kampi ni Arroyo. - FRJimenez, GMA News