Siksikan sa huling araw ng Comelec registration
Hindi mahulugan ng karayom sa dami ng mga nagkukumahog na late registrant ang mga opisinang lokal ng Comelec sa iba’t ibang bahagi ng bansa kahapon, Miyerkules. Ito ang iniulat ni Steve Dailisan Miyerkules ng gabi sa programa ni Jessica Soho na State of the Nation o SONA. Sa Davao City, inireklamo ng mga nagparehistro na mabagal umano ang mga empleyado ng Comelec. May mga sumisingit pa umano, kaya’t nag-iinit ang ulo ng ilan, ayon sa ulat. Ganito rin ang eksena sa Cebu, kung saan may nagtatampo na bakit umano binigyan ng VIP treatment ang aktres na si Ruffa Gutierrez at mga kadugo nito samantalang sila’y hinahayaang pumila nang ilang oras na. Sa Zamboanga City ay halos magrebolusyon ang mga nagpaparehistro nang itigil ng Comelec ang pagbibigay ng registration forms. Ayon sa mga trabahador ng poll body, hindi na nila kayang iproseso pa ang mga dagdag na registration forms. Pero noong nakaraang Biyernes, tila naiinis na si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. nang maabutan sa Quezon City ang haloos 600 na late registrants na pumipila at sinabing, "hakot lahat yan." Hindi mahirap isipin na ganito’t ganito rin ang eksena sa marami pang lokal na opisina ng Comelec. Ang tanong, mga Kapuso, ay: “Ano ang karanasan mo sa iyong lugar?” Pabukas-bukas “Procrastination” umano ang tawag sa wikang Ingles ng ugali ng mga Pinoy na pagpapaliban ng isang mahalagang gawain. Sabi ng mga taga-obserba ng kulturang Pinoy, ito ang isang katangian ng mga Pilipino na pumipigil sa kanila upang maging maunlad at makamit ang mga pangarap bilang mga indibiduwal at bilang isang bansa. Katulad ng nangyari noong Miyerkules (Oct. 31), huling araw ng registration, nang mapagsarhan ang libu-libong nais bumoto sa eleksyon sa susunod na taon dahil sa pagkabigong makahabol sa deadline. Hindi umubra ang pagkukumahog. Kahit anong pakiusap at pagpapakita ng init ng ulo ay hindi natinag ang Comelec na isara ang rehistrasyon sa ganap na ala-singko ng hapon. Ano pa nga ba’t marami ang hindi nasiyahan sa iginawi ng poll body, lalo na sa kahigpitan umano ng pinuno nito na si Chairman Brillantes. Ang nangyari umano ay sagka sa layuning palaganapin ang demokrasya sa bansa. Katuwiran ng masasama ang loob, hindi dapat pinipigilan, kahit pa ng Comelec, ang pagpaparehistro ng mga nais mag-exercise ng kanilang pulitikal na karapatang bumoto at pumili ng mga taong mamamalakad sa kanilang pampublikong buhay. May nagsasabi naman ng ganito: “Kung ganoon pala nila kagustong bumoto, eh bakit hindi sila nagparehistro nang maaga?” Dagdag pa: “Hindi naman kasi tayo matuto. Alam na alam nating magiging mahirap ang magparehistro kapag hora de peligro pero ginagawa pa rin.” Ano sa tingin ninyo, mga Kapuso, may gamot pa kaya sa “sakit” nating “procrastination”? Katulad pa rin kaya ng nasa ulat ni Steve Dailisan sa programang SONA ang tatambad sa atin sa susunod na pagkakataon? — Fort Nicolas Jr. /LBG, GMA News