Bakit 'di matanggap ng ama ang anak na ‘transgender’?
Ikinagulat ng bansa ang pagkapanalo ng isang Pilipinong transgender sa isang internasyonal na beauty contest para sa mga bakla na mukhang babae na ginanap sa Thailand kamakailan. Sa pag-uulat ni Pia Arcangel sa programang "24 Oras" noong Sabado ng gabi, kinoronahan si Kevin Balot, 21, na Miss International Queen 2012 nang matalbugan niya ang mga contestant na nagmula sa 15 bansa. Kung mapapansin ng mga mambabasa, ang terminong ginamit natin ay “ikinagulat,” hindi “ipinagbunyi,” ng bansa ang pagkapanalo ni Balot. Tila kasi hindi naman talaga nagbunyi ang bansa, maliban marahil sa “gay community” ng bansa. Hindi natin minamaliit ang pagkapanalo ni Balot. Hindi biru-biro ang mangibabaw sa mga magagandang bading mula sa iba’t ibang bansa. Masuwerte nga ang Pilipinas dahil dalawa sa apat na sumaling Pinoy ay nakapasok sa final round. “Ikinagulat” ang ginamit nating salita dahil tunay na namangha ang marami nang masilayan ang alindog ni Balot. Hindi lamang kakaunting lalaki ang napamura nang malutong, natitiyak natin. “Kung hindi lang may lawit, pakasalin na, pare!” himutok ng isang macho kong kumpare. Mukhang babae lamang si Balot, ngunit siya ay isang “transgender” na siyang tawag sa mga taong ang pagkakakilala, ekspresyon at pagkilos ay hindi naaayon sa "biological" nilang kasarian. Ang pangkasariang pagkakakilala o “gender expression” ay nangangahulugan ng pakiramdam sa sarili na nakikita sa pamamagitan ng kanyang pagkilos, pananamit, pag-aayos ng buhok, boses o katangian ng katawan. Ang pagtingin ng lipunan, at maging ng akademiya, sa mga transgender ay patuloy na nababago. Hindi pa gaanong bukas ang maraming Pilipino sa kanila. Ngunit hindi naman ninanais ni Balot na baguhin ang pagtingin ng buong lipunan. Isang tao lang ang target niya – ang kanyang ama. Kaya umano siya sumali sa nasabing beauty contest ay upang magbaka-sakaling mapagbago ang opinyon ng kanyang ama tungkol sa kanyang pagiging transgender sakaling manalo siya. Hindi naman nagkwento si Balot at walang nabanggit sa report ng "24 Oras," ngunit hindi na bago at alam na alam ng halos lahat ang kwento ng mga “gay” sa Pilipinas. Ang mga bading, partikular, ay karaniwan na, siyam sa sampu marahil, ay hindi tanggap ng kanyang ama na nangangarap sanang palaganapin ang kanyang lahi lalo na ang apelyido. Isang bagay na hindi mangyayari dahil hindi nagkakagusto sa babae ang kanyang anak na lalaki. Ngunit karaniwang mas malakas ang naturalesa kaysa suntok, palo o tubig sa drum kaya’t sa kabila ng mga pisikal na parusa at pang-iinsulto ng mga ama ay patago pa ring nagpapakababae ang mga lalaking transgender. Ang obserbasyon nga ng ilan ay parang mga kabuteng dumarami sila. Ngunit kahit paano ay may mga kwento tungkol sa mga transgender na “happy ending.” Natatanggap sila maging ng kanilang ama lalo na’t kung sila’y may narating na at nakatutulong sa pamilya. Pero, ‘yun nga lang, kailangang may lumipas na panahon at pagdaanang di-matatawarang hirap at pagsubok ang mga transgender. May magagawa ba sila? — Fort Nicolas Jr. /LBG, GMA News