ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga lumang yunit ng UV Express dapat na bang igarahe?


Nakasakay ka na ba sa UV Express Service van? Kung ikaw ay empleyado o estudyante o karaniwang komyuter sa Metro Manila at kalapit-probinsya, mas malamang ay “oo” ang sagot mo. Naglipana naman kasi ang mga UV Express van.  Kahit saan mo igawi ang iyong mga mata kung ikaw ay nasa kalsada, tiyak na may matatanaw na UV Express van. Ngunit simula sa Enero 1 sa susunod na taon, malamang na hindi na kasing dami ang bilang ng mga nabanggit na pampublikong sasakyan, ayon sa ulat ni Julius Segovia nitong Huwebes ng gabi sa programang State of the Nation o SONA ni Jessica Soho. Nagpahayag na kasi ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na papayagang pumasada ang mga UV Express van na 13 taon nang pumapasada. Reklamo at protesta Siyempre pa, abot-abot ang reklamo ng mga matatamaan, partikular ang mga opereytor. Oo nga’t apektado ang mga drayber, mas matindi ang tama sa mga opereytor, lalo na ang mga may isang lumang yunit lamang. Umiiyak ang mga ito dahil wala umano silang ibang pinagkikitaan. Ang pakiusap ng iba ay bigyan pa sila ng mas mahabang panahon. Ngunit ikinakatuwiran ng LTFRB na matagal na ang kautusang nabanggit. Agad namang nagbanta ang dalawang grupo ng pampublikong transportasyon – ang ACTO at Pasang Masda – na magsasagawa sila ng tigil-pasada bilang protesta sa kautusan ng LTFRB. Kailangan umano nilang pangalagaan ang interes ng mga miyembro ng kanialng sektor. Libu-libong trabahador sa sektor ng pampublikong transportasyon umano ang mawawalan ng pinagkakakitaan kaya’t magugutom ang pamilya ng bawat isa sa kanila. Paano ang mga komyuter? Sa kabilang banda naman, ayon sa ilang nag-oobserba ng kaganapang ito, ay dapat ding bigyang-kahalagahan ang interes ng mga komyuter, na siyang kabilang mukha ng sektor. Ang batas na ibig ipatupad ng LTFRB ay pagtitiyak na komportable at ligtas ang sinasakyan ng publiko. Kung walang lumang pampublikong sasakyan na pumapasada, mababawasan ang mga pagtirik sa gitna ng kalsada. Pabor ito hindi lamang sa mga komyuter, sa drayber at sa opereytor kundi pati sa mga motoristang maaaring maperwisyo ng mga ganitong pangyayari. Ngayon, matitinag ba ng tigil-pasada ang LTFRB sapat upang ipagpaliban nito ang pagpapatupad ng kautusan laban sa mga lumang UV Express van? Maaari, pero hindi dapat. Ang batas, upang kilalanin at igalang, ay dapat ipatupad ng mga kinauukulan. Kung maya’t maya na lamang ay isinasantabi ang mga ito, wala nang gagawin ang mga grupo kundi ang magprotesta. Ito ba ang direksyon na ibig nating tahakin bilang isang bansa? Dalawang inisyatiba Ang dapat mangyari ay magkaroon ng dalawang inisyatiba – ang isa ay magmumula sa pamahalaan at ang isa pa ay galing sa mismong mga nasa sektor. Dapat ay magkaroon ng programa ang gobyerno na naglalayong mabigyan ng ayuda ang mga maliliit na opereytor ng UV Express van at iba pang sasakyang pampubliko upang makaya nilang makabili ng mga bagong yunit. Sa kabilang banda, dapat ay may disiplina ang mga opereytor at mga drayber na maghanda sa di-maiiwasang oras na kailangan nang igarahe ang yunit nilang 13 taon nang napakinabangan.  Tuloy-tuloy na ipon ang ibig nating sabihin. Sasabihin ng iba ay mabigat ito at imposible, kahit kaya naman. Marahil ay magbabago ang kanilang pananaw at pipiliting makaipon kapag tanggap nilang hindi sila sasantuhin ng LTFRB sa pagdating ng panahon.  — Fort Nicolas Jr /LBG, GMA News