Aktor na si Baron Geisler, panandaliang nakulong matapos nasangkot sa gulo
Inaresto ng mga pulis si Baron Geisler nitong Biyernes ng gabi dahil sa umano'y pananakit sa kanyang kapitbahay na may-ari ng tindahan sa Fairview, Quezon City. Sa ulat ng dzBB radio nitong Sabado, sinabing pinayagan na rin ang aktor na makalabas ng police station 5 matapos magpalipas doon ng magdamag. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing bumili ng tinapay si Geisler sa sari-sari store na pag-aari ng kanyang kapitbahay na si Raymundo dela Rosa at pagkatapos ay ibinato. Kumuha rin umano ng silya si Baron at inihagis sa kinaroroonan ni dela Rosa at misis nito. Dito na umano humingi ng tulong ang mag-asawa at dinakip ang aktor. Nakalaya si Baron nitong Sabado ng umaga matapos na makipagkasundo umano sa mag-asawa sa kinaharap nitong reklamo na physical injuries at malicious mischief. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online kay Quezon City Station 5 Supt. Virgilio Fabian nitong Sabado, sinabing dapat gagawin sana ang pag-inquest kay Baron ngayong Sabado, "Nandoon sa presinto ngayon yung complainant. Nakikipag-areglo sila ngayon," ayon kay Fabian. Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiya si Baron. Noong 2010, kinasuhan ng young actress na si Yasmien Kurdi si Baron ng acts of lasciviousness and unjust vexation. Ngunit hindi na natuloy ang pagdinig sa kaso matapos magkasundo ang magkabilang panig. Sumailalim noon sa rehabilitasyon si Geisler dahil sa alcohol addiction. -- FRJ, GMA News