3 patay, 1 malubha sa aksidente sa kotse sa Albay
Tatlo katao ang namatay at isa naman ang nasa kritikal na kondisyon matapos bumangga ang isang kotse sa isang poste sa probinsya ng Albay nitong Linggo ng madaling araw. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nangyari ang insidente dakong ala-una ng umaga sa kahabaan ng main road sa Rawis sa Legaspi City. Sa inisyal na ulat, dead on the spot ang dalawang biktima, samantalang isinugod sa ospital ang dalawang iba pa. Idineklara namang dead on arrival ang isa sa dalawang isinugod sa ospital, samantalang nananatili sa kritikal na kondisyon ang huling biktima. Hindi kaagad kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima. Hindi pa rin malinaw sa NDRRMC kung ano ang dahilan kung bakit sumalpok sa poste ang sasakyan. Patuloy din daw na nakikipag-ugnayan ang Office of Civil Defense in Bicol sa mga lokal na opisyales para sa mga karagdagang detalye sa insidente. — LBG, GMA News